Si Metro Manila Development Authority (MMDA) Benjamin Abalos at re-electionist Mandaluyong Mayor Benhur Abalos ay sinampahan ng naturang kaso ng kanilang dating matalik na kaibigan na si Serafin Neria.
Sa tatlong pahinang reklamo ni Neria, sinabi nito na kaduda-duda at hindi tugma ang kinikita ng mag-ama sa uri ng yamang tinatamasa ng mga ito sa kasalukuyan.
Sinabing natuklasan ni Neria na labis ang kinikita ng mag-ama, lalo’t titingnan ang kanilang nabibiling ari-arian simula noong 1986 hanggang sa kasalukuyan.
Iginiit pa sa reklamo na ang idineklarang assets and liabilities o pag-aari lamang ng mga Abalos noong 1985 ay umaabot lamang sa P9 na milyon na taliwas naman dahil na rin sa mga nadiskubreng pag-aari at tinatamasang yaman ng mga ito.
Samantala, sinampahan din ng kasong plunder sina Pasay City Vice-Mayor Greg Alcera at Councilor Romulo Cabrera sa Office of the Ombudsman ni Pasay City Mayor Wenceslao "Peewee" Trinidad.
Ayon sa naging reklamo ni Trinidad, nakasaad dito na magkasabwat umanong nilustay nina Alcera at Cabrera ang halagang P57 milyon na pondong nagmula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) noong Hulyo 1, 1998.
Nabatid sa naturang alkalde, may mga ebidensya umano silang nakalap laban sa nabanggit na bise alkalde at konsehal kaya’t sinampahan nila ito ng kasong pandarambong. (Mga ulat nina Grace Amargo, Danilo Garcia at Lordeth Bonilla)