Kaugnay nito, pitong sasakyan kabilang dito ang dalawang ambulansiya, isang mobile car, dalawang crew cab ng ABS-CBN, isa sa ABC-5 at isang backhoe ang sinunog ng mga pro-Erap rallyist matapos ang isinagawang dispersal sa kanilang hanay kahapon.
Nakilala ang dalawang nasawing pulis na sina PO1 Paul Rosal at PO1 Jovencio Duhat.
Samantalang nasawi naman sa panig ng mga sibilyan ay nakilalang sina Raul Rosal, ng Acacia, Malabon na idineklarang dead-on-arrival sa Lourdes Hospital at Tiburcio Aberciaga na dead-on-arrival sa Medical Center sa Manila. Isa ring hindi pa nakikilalang lalaki ang nasawi habang isinusugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Kabilang naman sa mga nasugatan sina SPO1 Noel Urquico, nakatalaga sa WPD-Station 7 na nawalan din ng kanyang .9mm Berretta pistol; PO1 Albert Bait, ng Special Action Force; PO1 Rodolfo Ong, miyembro ng Central Police District; PO1 Marcelino Mabulac, nakatalaga sa WPD-Station 6; PO2 Buenaventura dela Costa, miyembro ng Southern Police District; PO3 Caranto, ng Northern Police District, isang Lt. Macabinta na nabato sa mukha at isa pang Chief Inspector Estapon.
Ilang mga mediamen ang nasugatan ng sila ay mapagdiskitahan din ng mga raliyista na nakilalang sina Jess Yuson, photographer ng Phil. Daily Inquirer; Gigi Manicad, ng GMA-7, habang sinabunutan ang isang reporter ng ABS-CBN na si Nadia Trinidad at Jess Garcia ng DZRH.
Bukod dito, may 50 pang katao ang kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ibat-ibang pagamutan kasabay naman ng pag-aresto sa mga daan-daang kasapi ng pro-Erap groups.
Bago pa man sumiklab ang kaguluhan, sinasabing namataan na kasama ng mga raliyista na lumusob sa Malacañang si Jude Estrada, anak ng dating Pangulong Estrada.
Sa report, unang sumiklab ang engkuwentro dakong alas- 3 ng madaling araw nang lusubin ng mga raliyista at masakop ang area Gate 7 at Gate 6 ng Palasyo.
Dakong alas-6 ng umaga nang muling maulit ang pag-ulan ng bato buhat sa pro-Erap group.
Tinangka rin ng mga pulis at Presidential Security Command (PSG) na bombahin ng tubig sa pamamagitan ng firetrucks ang mga raliyista subalit hindi natinag ang mga ito at lalong nag-init ang kanilang kalooban sanhi upang gantihan ng bato ang mga awtoridad.
Bandang alas- 10 ng umaga matapos ang isinagawang pulong-balitaan ni Arroyo, iniutos na nito ang dispersal operations sa pinagsanib na puwersa ng AFP, PNP at PSG na tuluyan nang nagbuwag sa hanay ng mga pro-Erap rallyists.
Ilang minuto lamang nagsimulang dumating ang tatlong tangke ng militar at karagdagang puwersa ng militar na pawang naka-full battle gear sa Malacañang na tumulong sa dispersal operations.
Dahil naman sa galit ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Estrada at lalo pang naging marahas ang mga ito at nagsimula nang manunog at magtaob ng mga sasakyan ang mga ito.
Winasak din ng mga ito ang bakod sa ginagawang konstruksyon ng MRT sa panulukan ng Claro M. Recto.
Nasamsaman naman ng mga awtoridad ng mga container ng gasolina na ginamit sa panununog, mga patalim, dos por-dos , pana at kalasag na gaya ng gamit ng pulisya ang mga naarestong raliyista.
Nahuli rin sa akto ng mga TV camera ang ginawang pagnanakaw ng ilang mga raliyista sa mga itinaob nilang sasakyan ng ABS-CBN.
Ilang establisimento rin na malapit sa Mendiola ang sinalakay ng mga raliyista.
Ilan din sa mga dinakip na raliyista ang ipinasailalim sa drug test sa paniwalang naka-droga ang mga ito kaya lalong naging marahas sa isinagawang pagrarali. (Ulat nina Ellen Fernando,Rose Tamayo at Danilo Garcia)