16 preso pumuga sa Pasay City Jail

Dahil sa umano’y kapabayaan, 16 preso sa Pasay City jail ang pumuga kamakalawa ng gabi.

Agad namang nasakote ang tatlong puganteng sina Eduardo Mortalla, Antonio Leronzon at Christopher Marilag, pawang may kasong theft.

Puspusan naman ang ginagawang pagtugis ng mga awtoridad sa 13 pang takas na pawang mga kabataan na kasalukuyan pang inaalam ang mga pangalan at mga kasong kinasasangkutan,

Nabatid sa imbestigasyon na dakong alas-10:35 noong Sabado ng gabi habang nagsasagawa ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng headcount sa bandang itaas, ikatlong palapag ng biglang mamatay ang ilaw sa may ibaba sa ikalawang palapag kung saan nakakulong ang mga presong menor-de-edad.

Agad na pinuntahan ni JO1 Marcelino Dalacan ang ibabang kulungan at nadiskubre nitong tanggal na ang tatlong rehas na bakal ng bintana nito at nakatakas na ang 16 bilanggo.

Gayunman, naging mabilis ang pagresponde ng mga kagawad ng Pasay police at BJMP at tatlo kaagad ang nahuli.

Dahil sa insidente, nanganganib na masibak sa puwesto ang warden ng Pasay City Jail na si C/Insp. Isagani Gamino. Iniutos na ni Gamino na imbestigahan ang nasabing jailbreak bunga ng umano’y maluwag na seguridad. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments