Mayor nakatakas sa drug bust; SK kagawad tiklo

Isang alkalde sa isang bayan ng Lanao del Sur ang nahaharap sa kasong kriminal matapos na makumpiskahan ang dalawa sa hinihinalang kasamahan ng naturang lokal na opisyal kabilang ang isang kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK) ng dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P4 milyon sa isinagawang buy-bust operation ng mga kagawad ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina Feliciano Alli Jr., 20, ng #838 Constancia st., at Aries Pajuyo, 22, SK councilor ng #851 Miguelin st.,pawang sa Sampaloc, Manila.

Habang pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang mga suspek na nagawang makatakas na sina Pindalungan Juhayra Abinal, incumbent mayor ng Maguing, Lanao del Sur; Juhary Galo y Abinal, 31, opisyal na kandidato sa pagka-mayor ng LAMP-PMP at si Angkaya Pamlian, ng #3428 Arellano st., Bacood, Sta. Mesa, Manila.

Ang aksyon na ito ng NBI ay base sa nakalap na impormasyon na isang Juhary Dianaton Abinal Galo alyas ‘Muslim’ ng Binondo ay sangkot sa malakihang bentahan ng droga. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments