Sinabihang disiplinahin ang anak, utol pinatay si kuya

Dahil sa pakikialam sa pagdidisiplina sa kanyang pamangkin, isang 32-anyos na lalaki ang napatay sa saksak ng kanyang kapatid habang sila’y nag-iinuman, kamakalawa ng gabi sa Novaliches, Quezon City.

Namatay si Roger Castillo, may asawa, ng #7 Molave st. Area 4 Bgy. Capri, Novaliches. Pinaghahanap naman ang kapatid nitong suspek na si Jacinto Castillo, 28, may asawa.

Napag-alaman na pinayuhan ng biktima ang suspek na disiplinahin ang anak nito na nagugumon sa sugal. Nagalit ang suspek sa payo ng kanyang kuya dahil lumalabas umano na wala siyang silbing ama at hindi kayang displinahin ang kanyang sariling anak.

Sa gitna ng inuman ay biglang tumayo ang suspek at nagtungo sa kusina. Pagbalik ay armado na ito ng patalim at pinagsasaksak ang kapatid at tumakas. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments