Demolition team ng mga politician, nagsisimula na sa Maynila

Election time na at nagsisimula na rin ang pagpapakalat ng black propaganda o ‘dirty tricks’ sa Maynila.

Ito ay makaraang kumalat ang tsismis na may malubhang karamdaman si dating Interior Secretary Alfredo Lim, kaya hindi na ito babalik ng bansa at aatras na rin sa pagtakbo bilang alkalde ng lungsod.

Ayon kay Atty. Rafaelito Garayblas, dating DILG undersecretary at secretary to the mayor, habang si Lim ay nasa Estados Unidos at binibisita ang kanyang anak na si Manny ay naging abala umano ang kampo ni Mayor Lito Atienza sa pangungumbinsi sa mga political leaders ni Lim na lumipat na sa kanyang kampo.

Sa katunayan umano ay naisulat pa sa isang tabloid (hindi sa PSN) ang nasabing kasinungalingan at ginamit pa ang kalusugan ni Lim.

Ayon pa kay Garayblas, si Lim ay malusog na malusog at nakabalik na sa bansa at bumalik na rin sa pag-aanchor sa kanyang pang-araw-araw na programang ‘Pasada 630’ sa DZMM, kabaligtaran ng ipinakakalat ng kampo ni Atienza.

"Lalong hindi totoo na nag-withdraw si Lim sa laban. Niloloko lang ni Atienza ang mga taga-Maynila para makondisyon ang isip ng mga ito na hindi na kakandidato si Lim," dagdag pa nito.

Sa ginagawa umano ni Atienza ay ipinakikita lamang nito na kinakabahan siya sa patuloy na pangunguna ni Lim sa mga survey, dagdag pa ni Garayblas. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments