Ayon kay Mayor Elenita Binay kahapon, sinimulan na ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) official ang pag-screen ng mga aplikante para sa taunang Special Program for the Employment of Students (SPES) at Government Internship Program (GIP).
Kabuuang 4,000 at 2,000 Makati students at out-of-school youth ang uupahan sa ilalim ng SPES at GIP at lahat ng interns ay tatanggap ng sahod na mas mataas sa umiiral na P250 minimum wage.
Para ma-qualify sa SPES at GIP, ang isang Makati student o out-of-school youth ay dapat nasa pagitan ng edad 15-25 at ang kanyang mga magulang ay may pinagsamang kita na hindi hihigit sa P36,000 kada taon. Samantala, tanging college students lamang ang kukunin sa GIP.
Ang GIP ay opisyal na magsisimula sa Marso 26-May 31 habang ang SPES ay sa Abril 19-May 27.
Ayon kay Jimmy Bacante, hepe ng Makati Employemnt Services Office, bagaman ang summer employment programs ay limitado lamang ang panahon, nasa tanggapan na kung i-e-extend ang serbisyo ng isang intern depende sa kanyang performance.
Ang SPES at GIP application forms ay maaaring makuha sa SK offices sa lahat ng barangay. (Ulat ni Lordeth Bonilla)