Sa apat-na-pahinang resolusyon na ipinalabas ng Navotas Municipal Council, si Chairwoman Carolina Villota ng Bgy. North Bay Boulevard South ng nasabing bayan ay kinasuhan ng imoralidad matapos umano nitong ipakilalang asawa ang hindi nito tunay na mister.
Si Villota umano ay ikinasal sa isang Rosendo Macapagal y Dacusin noong Disyembre 17, 1970 sa Navotas (registry no. 703) subalit nakikisama umano ang una sa isang Ricardo Villota y Lorenzo simula pa noong 1977.
Isinasaad pa sa resolusyon na ang kasal ni Villota kay Macapagal ay mayroon pang bisa dahilan sa pareho pa silang buhay at hindi pa napapawalang-bisa ang kanilang kasal.
Ayon sa mga opisyal, ang ganitong kaso ni Villota ay malinaw na paglabag sa moral community o moral standards, na isang basehan upang mapaalis ito sa kanyang puwesto o maaaring makulong.
Samantala, inamin naman ni Villota sa kanyang counter affidavit ang kasal nito kay Macapagal at ang paggamit niya ng apelyido ni Villota na kanya ngayong pinapakisamahan.
Idinagdag pa ni Villota na ang kanyang pagkakapanalo ng dalawang beses ng nakaraang eleksyon ay nagpapatunay lamang na mayroong tiwala sa kanya ang kanyang mga nasasakupan gamit ang kanyang apelyido.
Subalit ayon naman sa mga konsehal, kaya umano ibinoto si Villota ng kanyang mga nasasakupan ay sa dahilang ang pagkakaalam umano ng mga ito ay tunay niyang asawa si Ricardo Villota.
Nakatakdang ibaba ang kaparusahan ni Villota ngayong Hunyo 15 matapos ang darating na eleksyon at nakatakdang ipatupad ng Office of the Mayor. (Ulat ni Gemma Amargo)