Namatay noon din bunga ng pagkadurog ng buto at mga sugat sa katawan matapos tumilapon ng ilang metro si Marlon Fernando, 18, binata, driver, ng Aglipay st., Mandaluyong City.
Samantala, nasa malubhang kalagayan sa National Orthopedic Center ang umanoy lover nitong si Cielo Francisco, 21, may asawa, nakatira sa nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat ni SPO4 Manuel Cenon ng WPD Traffic Bureau bandang alas-2:40 ng madaling araw habang sakay ng motorsiklo ang mga biktima at papasok umano sa Ligaya motel sa may Old Sta. Mesa ng banggain ng isang kulay silver na Toyota Corolla na may plakang TDS-238.
Tumilapon ang dalawa at ayon sa mga saksi, hindi pa umano nakuntento ang di kilalang driver ng nasabing kotse ay binalikan pa ang biktimang lalaki at para umanong matiyak na patay ay muling pinagulungan saka tumakas.
May hinala ang pulisya na sinundan ng suspek ang dalawa at pinlanong banggain sa aktong papasok sa motel.
Tinitingnan na ang anggulong love triangle dahil may asawa ang babae, habang kasalukuyang bineberipika kung kanino nakarehistro ang nasabing kotse na bumangga sa mga biktima. (Ulat ni Ellen Fernando)