Ayon kay Henry Magtalas, 32, ng 2311 Beata st, Pandacan, Maynila, ilalapit na nila sa CHR ang kaso ng anak niyang si Jim Grayson Magtalas, 12-anyos nang maospital at 17-taong gulang na ngayon dahil sa umanoy paglabag sa karapatang pantao na ginagawa sa kanila ng pamunuan ng naturang pagamutan.
Nabatid na Abril 1996 ipinasok ng pamilya Magtalas ang anak sa MCM dahil sa appendix pero matapos operahan ay naging lantang-gulay na ito.
Dahil sa pangyayari, nagsampa ng kasong negligence at malpractice ang pamilya Magtalas laban sa mga nag-opera sa biktima na sina Dra. Aurora Ginwino, Dr. Edgardo Caballero, Dra. Amanda Tan at Dr. Isaac Cheng, kasama ang may-ari ng MCM na si Dr. Paolo Campos.
Sinabi ni Ginoong Magtalas na maglilimang taon na ang kaso ng kanyang anak sa Manila RTC Branch 32 sa sala ni Judge Juan Nabong pero hanggang ngayon ay wala pang desisyon ang korte.
Nababahala umano ang pamilya na hindi mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kanyang anak. Kinondena din ng pamilya ang hindi pagbibigay alam sa kanila ng pagamutan nang ilipat ang biktima sa ward noong Pebrero 2001 mula sa private room nito sa room 5542.
Nais ng pamilya Magtalas na hintayin muna ng pagamutan ang desisyon ng korte sa kaso ng anak bago desisyunan ang pag-aalis sa pasyente sa private room nito.
"May usapan kami ng ospital na walang bayad kaming ibibigay sa pagpapagamot ng anak namin dito sa nangyari.
Mula 1996 hanggang 2001 nandito sya pero sana hintayin muna matapos ang desisyon ng korte bago ilipat ng ward ang anak ko", pahayag ni Magtalas. (Ulat ni Angie Dela Cruz)