Nalipasan ng gutom, maid nang-hostage ng 5

Isang 29-anyos na katulong na nalipasan ng gutom ang nang-hostage ng lima-katao kabilang ang tatlong bata makaraang ‘mapraning’ matapos na pagalitan ng amo nang aksidenteng masunog nito ang damit na kanyang pinaplantsa sa Tondo, Maynila, kahapon.

Matapos ang isang oras na negosasyon ng mga opisyal ng barangay at pulisya, sumuko ang suspek na si Elsie Romanos, tubong Surigao del Norte at naninirahan sa bahay ng kanyang amo na nakilalang si Gloria Bernardo, 45, ng #1221 Madrid Ext., nasabing lungsod.

Hinostage ni Romanos dakong alas-12 ng tanghali ang mga biktimang sina Morena Bernardo, 12; Camelle del Carmen, 13; Jenny Lyn Sanding, 11; Gina, 17 at Maureen Bernardo, 18, sa loob ng bahay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, inutusan ni Maureen, anak ng kanyang amo, ang suspek na plantsahin ang uniporme na palda nito. Agad namang sumunod ang suspek subalit nasunog ang damit na naging dahilan upang pagalitan ng amo ang nasabing katulong.

Dahil dito, sumagut-sagot umano ng pabalang ang katulong sa amo at inirereklamo na gutom siyang pinagtatrabaho.

"Napansin ko na lamang na nagsasalita siyang mag-isa at kung anu-ano ang lumalabas na salita sa kanyang bibig," paliwanag ni Maureen.

Kumuha ang suspek ng patalim at pagbalik sa kuwarto ay isinara nito at hindi na hinayaan pang makalabas ang limang biktima habang isa-isang tinatakot na sasaksakin kapag may gumalaw.

Dahil dito ay agad namang humingi ng tulong ang mga residente sa kanilang barangay.

Rumesponde sina PO2 Ronnie Sanchez at PO2 Erick Tristan at nakipag-negosasyon kaya maayos na napasuko ang suspek. Ipinagtapat ng maid na kaya nagawa niya iyon ay dahil sa gutom dahil hindi pa kumakain ng tanghalian at inutusan pa umano siya na naging dahilan para masunog nito ang palda. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments