Imbes kaaway ang madale, bestfriend ang nasaksak

Abot-abot ang pagsisisi ng isang 15-anyos na estudyante matapos na aksidente nitong masaksak ang kanyang matalik na kaibigan sa halip na ang mga nakaaway nilang mga istambay ang kanyang madale, kamakalawa ng hapon sa Pasig City.

Kritikal sa Rizal Medical Center dahil sa isang tama ng saksak sa kaliwang dibdib si Jharmmie James Co, mag-aaral ng La Immaculada Concepcion College at residente ng Phase A Greenwood Executive Village, Pasig City.

Nadakip naman ang kaibigan niyang si Patrick Tuazon, 15, estudyante, ng $#06 Bernal st., Bgy. Rosario, nasabing siyudad.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ernesto Paraso, napag-alaman na naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng hapon sa may harap ng Immaculate Concepcion Church sa Pasig City. Sakay umano ng kanilang service jeep ang mag-bestfriend kasama ang kanilang mga classmate at pauwi na mula sa paaralan ng mapadaan ang tatlong istambay at patraydor na pinagsusuntok sa likuran si Tuazon at nagtatakbo.

Hinabol naman ito ni Tuazon na armado ng patalim kasama si Co at hinarap ng dalawa ang tatlong nanuntok at akmang makikipagsuntukan sa kanila.

Dito aksidenteng nasaksak ng suspek ang kanyang kaibigan ng awatin ng huli sa kanyang paglusob. Nagtatakbo naman ang mga istambay ng malamang may dalang patalim si Tuazon.

Agad na isinugod sa ospital ang biktima habang kusang sumuko si Tuazon at isinuko rin ang patalim na kanyang ginamit. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments