Kinilala ni Supt. Eduardo Bayangos, hepe ng Caloocan police station 2 ang suspek na si Marivic Dalumpines Galas ng 188 Sabalo st., nasabing lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon na dakong alas-10 ng gabi nang magtungo ang suspek sa Bank of the Philippine Islands (BPI) Monumento branch upang mag-withdraw sa ATM.
Sa sobrang tagal ng suspek sa loob ng ATM booth ay nagduda ang security guard na noon ay naka-duty kaya palihim nitong tiningnan ang ginagawa ng una.
Dito napansin ng guard na paulit-ulit na nagwi-withdraw ng pera ang suspek.
Nang lumabas na ang suspek ay kaagad itong nilapitan ng mga security guard at kaagad na isinama sa malapit na himpilan ng pulisya at nadiskubreng nakakuha na ito ng halagang P238,000 gayung ang balance lamang umano nito sa ATM card ay P35,000.
Bagamat nakapag-withdraw ng nasabing halaga ay nadiskubre din ng pulisya na hindi nabawasan ang pera ng suspek sa kanyang ATM card.
Pinabulaanan naman ng suspek ang akusasyon na isa umano siyang computer expert at sa halip ay sinabi nitong nagkataon lamang na overwrite ang ATM computer system.
Patuloy namang sinisiyasat ng pulisya na kasama ang suspek sa sindikato na nagnanakaw sa mga banko sa pamamagitan ng ATM card. (Ulat ni Gemma Amargo)