Binigyang katwiran ni Barry Romel, residente ng Pasig City, ang kanyang request sa isang tatlong pahinang petisyon alinsunod na rin anya sa kanyang "kasalukuyang kalagayan sa buhay, kalayaan, hangarin, at kasiyahan."
Si Barry na isinilang sa isang ospital sa Sampaloc, Maynila ay humiling kay Judge Antonio Eugenio ng Manila RTC Branch 24 na payagan siyang gamitin ang pangalang Esperanza kasabay ng pagpapakita ng ebidensiya ng kanyang sex change sa Japan bilang katibayan na sinertipikahan ng isang local plastic surgeon.
Ayon kay Barry, kahit isinilang siyang isang "male transexual o anatomically male, isa siyang babae behavioraly o mentally." At matapos maging babae, nais niyang baguhin ang kanyang pangalang lalaki.
Si Barry na ang ama ay isang abogado ay sumailalim sa breast augmentation noong 1988 sa isang Japanese clinic sa Osaka, Japan at "sex rearrangement surgery" noong Enero 24, 2000.
Sa inisyung certification ng local plastic surgeon na may petsang Oktubre 20, binanggit nito ang mga bahagi ng female sex organ na taglay ni Barry ng isailalim ito sa "physical examination."
Nangangahulugan ito na bagaman isinilang siya bilang isang lalaki, ang kanyang mentalidad ay isang babae, wika ng surgeon.
Ayon naman kay Judge Eugenio, ito ang kauna-unahang kaso na nagkaroon sila at wala umanong batas na sumasakop dito.
At para malinis ang kanyang katauhan mula sa anumang criminal o civil cases ay nagharap si Barry ng police at NBI clearances bilang katibayan. (Ulat ni Jose Aravilla)