Kinilala ni Supt. Eduardo Bayangos, hepe ng Caloocan City police station 2 ang mga suspek na pawang miyembro ng Sputnik gang na sina Roberto Fernandez, 32, ng Cavite; Crisaldo Villanueva, 31, ng Tonsuya, Malabon; Bernabe Espardera, 25, ng Catmon, Malabon; Louie Mendoza, 26, ng Quezon City, at Edwin Balsa, 27, ng Mandaluyong City.
Sa pahayag ni Bonifacio Tayales, driver ng Philippine Corinthian Bus na may plakang PNS-456, binabagtas nila ang kahabaan ng Gen. San Miguel malapit sa Letre road dakong alas-6 ng umaga ng parahin ng mga suspek at magpanggap na mga pasahero.
Subalit 50 metro pa lamang ang tinatakbo ng bus ng biglang tutukan ng balisong ng isa sa mga suspek ang driver at magdeklara ng holdap saka mabilis na kinuha ang perang hawak ng konduktor na si Arnold Espinosa samantala kinuha ang kuwintas at wallet ng nag-iisang pasahero na si Joel Vinas, 24.
Kasalukuyan namang nagpapatrulya ang mga mobile patrol 132 at 129 ng Caloocan police ng mapansin ang nagaganap sa loob ng bus at lapitan.
Naalarma ang mga holdaper at mabilis na nagbabaan ng bus at nagtatakbo.Nagkaroon ng habulan at palitan ng putok na ikinagulat ng mga residenteng natutulog.
Sa pag-aakalang nagkakaroon na ng kudeta ay nagsilabasan sa kani-kanilang mga tahanan ang mga residente at ng makita ng mga ito ang mga suspek na hinahabol ng mga pulis ay ilan sa mga ito ang tumulong sa paghabol sa lima kaya agad nadakip ang mga suspek. Narekober dito ang limang patalim, P1,000 cash at alahas na kinuha sa pasahero. (Ulat ni Gemma Amargo)