Sa direktiba ni WPD chief Director Gen. Avelino Razon, ipinakalat ang may 270 unipormadong pulis na 24-oras na magmamanman upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng mga deboto na dadagsa sa Quiapo church para makiisa sa pagseselebra ng kapistahan ng Quiapo.
Ang aksiyon ni Razon ay bunga ng patuloy na lumalabas na mga report na maaaring muling maghasik ng lagim ang grupo tulad ng naganap na pagsabog sa LRT.
Inamin ni Razon na malaki ang posibilidad na sa ganitong pagkakataon na maraming tao ay hindi malayong samantalahin ng mga terorista na maghasik ng kaguluhan upang madiskaril ang mapayapang gagawing kapistahan.
Ang 400 taong-gulang na istatwa ng Black Nazareno ay ilalabas sa simbahan ng Quiapo dakong alas-3 ng hapon kasunod ng prusisyon sa lansangan na nasasakupan ng nasabing lugar.
Kasabay nito ay hiniling ng pamunuan ng WPD sa mga motorista na makabubuting iwasan muna ang mga kalsada sa palibot ng Quiapo church para hindi maipit sa masikip na daloy ng trapiko. (Ulat ni Ellen Fernando)