Kinumpirma ni AFP chief of staff General Angelo Reyes ang pagkakadakip kay Hector Janjalani, na kilala rin bilang si Abu Escobar, isa sa tagapagsalita ng Abu Sayyaf group. Si Escobar ang nakababatang kapatid nina Abu Sayyaf leader Khadaffy Janjalani at napatay na Abu Sayyaf founder na si Abubakar Abdurajak Janjalani.
Ayon sa ulat, nahuli si Escobar matapos ang ilang buwang surveillance operation ng PNP at ISAFP sa Muslim areas sa buong Metro Manila matapos makatanggap ng intelligence report na ilang Sayyaf members ang nandito ngayon sa kamaynilaan at nagtatago makaraang makapuslit ang mga ito sa kanilang kuta sa Sulu.
Pinaniniwalaang may balak magsagawa ng pananabotahe ang naarestong suspek at sasamantalahin ang kainitan ng impeachment trial kay Pangulong Estrada.
Hindi pa inihaharap sa media ang suspek at kasalukuyan itong sumasailalim sa interogasyon hinggil sa tunay na kalagayan ng kanilang American hostage na si Jeffrey Schilling at ang eksaktong lokasyon ng ilang opisyal ng ASG.
Sa rekord ng militar, ang grupong Abu Sayyaf ay sangkot sa malawakang paghahasik ng terorismo sa Mindanao tulad ng kidnap-for-ransom, pambobomba at pamumugot ng ulo ng mga sundalo.
Ang Abu Sayyaf rebels rin ang sangkot sa nangyaring hostage crisis sa lalawigan ng Basilan at Sulu.
Hindi pa malinaw kung papaanong nakarating ng Maynila si Escobar mula sa Jolo sa kabila ng military operation doon. (Ulat ni Joy Cantos)