Dalaga pumalag sa rape sinakal ng bayaw

Buhay ang naging kapalit ng pagtatanggol ng isang 26-anyos na dalaga sa kanyang puri matapos na sakalin siya hanggang sa mapatay ng kanyang bayaw matapos ang Noche Buena kamakalawa ng madaling-araw sa Mandaluyong City.

Ang nasawing biktima ay nakilalang si Lorelyn Pacupas, isang cosmetic demo specialist, at residente ng #724 Ballesteros St., Bgy. New Zaniga ng nasabing lunsod.

Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang nakatakas na suspek na si Alfredo Pascual, 35, may asawa, at residente rin ng naturang lugar at nahaharap sa kasong murder.

Sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong ala-1:30 kamakalawa ng madaling-araw matapos sumapit ang Kapaskuhan. Katatapos lamang umano ng buong pamilya na kumain ng Noche Buena nang magkanya-kanya ng tulog.

Habang natutulog ang biktima ay ginapang ito ng suspek na lasing na lasing ng mga oras na iyon.

Nagising ang biktima nang maramdamang may mabigat na nakapatong sa kanya at pumalag nang makita ang kanyang bayaw na siya ay hahalayin. Sa takot na mabisto ang ginawang kalokohan, sinakal ng suspek ang biktima upang hindi ito marinig ng kanyang mga kasambahay.

Agad tumakas ang suspek nang mapatay ang biktima. (Danilo Garcia)

Show comments