Sa reklamo ni Salve Aloguin, ng Mabalacat, Pampanga, nagsimula ang kanyang kalbaryo nitong Setyembre 22, 2000 ng sapilitan umanong kunin ng mga kamag-anak ng kanyang yumaong live-in partner ang kanyang anak na si Fernando "Rambo" Eslava III.
Dahil sa pagkamatay ng dating kinakasama ay nagtungo si Aloguin sa pamilya Eslava upang pakiusapan ang mga ito na ibalik na sa kanya si Rambo, pero tumanggi ang mga ito at sinabing ang bata ay wala sa kanila at puwersahan umanong tinangay ng apat na armadong lalaki.
Ayon naman sa ilang malalapit na kaibigan ng pamilya Eslava, nakita nila ang bata at ito umanoy payat na dahil sa hindi pagkain sa paghahanap sa kanyang ina.
Nangangamba si Aloguin na baka magkasakit ang kanyang anak kaya nagpasya itong dumulog kay PNP chief Lacson.
Sa pakikipanayam kay lawyer-journalist Reynaldo Elizalde, bagamat si Rambo ay anak ng isang Eslava ay wala pa ring karapatan ang mga ito na itago ang bata sa ina nito na siyang mas may karapatan sa kustodiya ng bata.
Minamanmanan na ang kinaroroonan ng bata matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa lugar na pinagdalhan sa batang biktima habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong kidnaping laban sa pamilya Eslava. (Ulat ni Andi Garcia)