Pag-aasawa ng ina di matanggap, binata nagbigti

Dahil sa hindi matanggap ang muling pag-aasawa ng ina, ito ang nagtulak sa isang 22-anyos na binata para magpakamatay, matapos itong magbigti sa alambre, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Si Rafael Bermido, sidecar driver, nakatira sa Pagkakaisa st., CAA Compound ng lungsod na ito ay natagpuang nakasabit sa kisame ng bahay nito.

Nabatid na nagpaalam umano ang biktima sa kaibigan nitong si Mayette Salito dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi na ito ay magpapakamatay subalit pinayuhan ng huli na huwag gagawin ang bagay na iyon dahil napakasarap na mabuhay.

Sa pag-aakala ni Salito na nakinig ang lalaki ay pinabayaan muna niya ito.

Subalit kinabukasan ay nagulat ito nang mabalitaang nagpakamatay ang kaibigan.

May hinala si Salito na hindi matanggap ni Bermido ang muling pag-aasawa ng kanyang ina. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments