Lim, kakandidatong Mayor ng Maynila

Magbibitiw sa kanyang puwesto bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Secretary Alfredo Lim bago sumapit ang itinakdang filing of certificate of candidacy sa Enero 15.

Ayon sa source sa DILG, hindi tatakbo sa senatorial line-up ng administrasyong Lapian ng Masang Pilipino (LAMP) si Sec. Lim kundi ang target nitong kandidatuhan ay ang pagiging alkalde ng Maynila upang magharap sila ng kanyang dating ka-partido na si Manila Mayor Lito Atienza.

Sinabi pa ng source, posibleng ihayag ni Lim ang kanyang kandidatura sa pagiging alkalde ng Maynila sa darating na kaarawan nito sa Dec. 21 kasama ang kanyang magiging running mate at mga kandidatong konsehal at kongresista.

"Mas epektibo kasi bilang executive official si Sec. Lim kaysa sa pagiging legislator kaya mas pipiliin nito ang pagiging alkalde ng Maynila kaysa maging senador," dagdag pa ng impormante.

Naniniwala naman ang mga supporters ni Lim na muling makakabalik ito sa Manila City Hall matapos ang paghaharap nila ni Atienza sa darating na mayoralty race sa May 2001 elections. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments