Iniharap nina (PAOCTF) Luzon Chief Sr. Supt. Cesar Mancao at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief Supt. Francisco Zubia sa mga mamamahayag ang mga suspek na kinilalang sina Dr. Robert Yap, ang itinuturong financier ng grupo at ang driver nitong si Jerry Morales at isa pang kasamahan nitong kinilalang si Celso Palapar.
Nabatid na si Yap at ang driver nito ay nadakip sa dating tahanan ng una sa Esco Compound sa panulukan ng Zulueta St. at Pres. Quirino Avenue sa Paco, Manila matapos ikanta ni Palapar na nauna ng naaresto sa safehouse nito sa Tondo, Manila.
Naaresto sina Yap at ang driver na si Morales kamakalawa bandang alas-7:00 ng gabi makaraang matunton ng mga awtoridad ang hide-out ng mga kidnappers bunga ng pagtawag sa cellphone ng isa sa mga suspek sa pamilya ng kinidnap nilang si Fritz So na anak ng may-ari ng New Andres Hardware sa Pasay City.
Nasamsam mula sa tahanan ni Yap ang isang kulay pulang SYM scooter na may plakang TN4078. Isang kulay itim na Mitsubishi Adventure na walang plaka.
Naba-tid na ang biktima ay dinukot ng mga suspek nitong nakaraang Nobyembre 12 dakong alas-2:15 ng hapon habang ito ay nagbabantay ng kanilang tindahan sa nasabing lungsod. Si So ay sapilitang isinakay ng mga suspek sa kotseng Toyota na may plakang UHY 878 na natuklasang isang dating plaka ng Honda Civic na nakaparada sa naturang hardware ng mismong araw na dukutin ang biktima.
Ang biktima ay itinago ng mga suspek sa Bacoor, Cavite at humingi ng P5 M ransom na naibaba sa P1 M kapalit na kalayaan ng biktima. Matapos na magbayad ng ransom si Dexter, kapatid ng biktima ay pinalaya ito noong nakalipas na Nobyembre 14.
Nabatid na isinagawa ang pay-off sa bisinidad ng BPI Bank sa Magallanes Commercial Center, Pasay City noong Nobyembre 14, ng isa sa mga suspek na si Palapar ay tumawag sa cellphone upang ituro ang safehouse nila sa Bacoor Cavite na pinagtaguan sa biktima. Lingid sa kaalaman ni Palapar, habang nakikipag-usap siya sa telepono ay na-trace ang kinaroroonan niya na nagresulta naman sa pagkaaresto sa kanya sa mismong tahanan sa Tondo, Maynila.
Ikinanta rin ni Yap ang mga pangalan ng iba pang mga kasabwat sa pagkidnap sa biktima na kinilala lamang sa mga alyas na Roy na siyang lider ng grupo, Johnny Bautista, Luis, Oloy, Charlie, Efren, Paran, Jun at Oyong na kasalukuyan pa ring pinaghahanap ng mga operatiba ng PAOCTF. (Ulat ni Joy Cantos)