Kilabot na 'Nonoy Group' nalansag: lider, 6 pa tiklo

Pinaniniwalaang nalansag na ng mga awtoridad ang kilabot na "Nonoy Group" na responsable sa malawakang operasyon ng robbery-hold-up at carnapping sa malaking bahagi ng Metro Manila at Cavite matapos maaresto ang lider ng grupo at anim pa nitong tauhan sa isinagawang serye ng operasyon, kasabay ng pagkakakumpiska ng matataas na kalibre ng armas at limang nakaw na sasakyan.

Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, iniharap nina PNP Chief, Director General Panfilo Lacson at Sr. Supt. Nestor Sanares, Cavite Provincial Director, ang mga naarestong sina Noel Rado alyas Nonoy, 35, ng Bgy. Salawag, Dasmariñas, Cavite at itinuturong lider ng grupo; mga tauhan nitong sina Teodulo Camson alyas Batang, 37, ng Tondo, Manila; Levi Pacsa, 29, taxi driver, ng Paco, Manila; Simeon Calupas alyas Jun, 47, traffic enforcer, ng Caloocan City; Michael Tagabi, 27, ng Port Area, Manila; Aristotle Punzalan alyas Ayi, 24, ng Dasmariñas, Cavite at Edgardo Cruz alyas Igat, 36, ng Pandi, Bulacan.

Napag-alaman sa rekord ng PNP na ang naturang grupo ang responsable sa 15 nakaraang insidente ng highway robbery, carnapping at hold-up na nangyari sa Cavite at Metro Manila. Bumibiktima rin umano ang mga ito ng mga bagong-saltang turista sa Metro Manila.

Bago ang pagkakadakip sa grupo, may plano na umano ang mga ito na dukutin ang isang mayamang Chinese busi nessman sa Apo st., Quezon City, base sa intelligence report ng PNP.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang caliber 45 pistol, isang cal. 38 Special Edition, dalawang 9mm Smith and Wesson pistol, tatlong .38 revolvers at limang carnapped vehicles na berdeng Toyota Revo (WAE-353), Toyota Corolla Sedan, Isuzu Highlander (UTA-607), Ford Telstar (PLX-836) at Honda Civic (TNH-121). (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments