Chinese trader niratrat ng mga adik, grabe

Isang restaurant owner ang pinagbabaril ng hinihinalang mga adik habang ang biktima ay nasa loob ng kanyang sasakyan at nagpapahinga, kamakalawa ng ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.

Si Benjamin Leung, 73, may-ari ng Wah Sun restaurant at nakatira sa #747 Florentino Torres st., Sta. Cruz ay nalagutan ng hininga habang isinusugod sa Metropolitan Hospital dahil sa tinamong dalawang tama ng bala ng baril sa leeg.

Isa sa dalawang suspek ang tinaya lamang sa edad 40-45, may taas na 6 talampakan at sakay ng isang pulang Nissan Sentra na kotse na hindi nakuha ang plaka kasama ang isa pa na tumakas.

Sinabi ng anak na lalaki ni Leung na si William, habang nasa loob siya ng kanilang restaurant at abala sa pagsasagawa ng balance check para sa benta ng kanilang negosyo ng makarinig siya ng dalawang putok ng baril sa labas.

Nabatid na ang biktima ay sakay ng kanyang Nissan Patrol car kasama ang asawang si Blandina Araojo, 64, na nasa back seat ng lapitan ng mga suspek at aluking bumili ng mga alahas.

Tumanggi ang biktima at umalis ang mga suspek. Subalit makalipas ang ilang minuto ay bumalik ang mga suspek at agad na tinadyakan ang bintana ng sasakyan at pinagbabaril ang biktima.

Ayon sa ilang kaanak, madalas na napagkikita ang isa sa mga suspek sa nasabing restaurant at kumakain at kung minsan naman ay kinakausap ang biktima at inaalukan ng alahas.

Isang manhunt operation na ang tumutugis sa mga salarin. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments