3 FX holdaper natimbog

Matapos ang ilang buwang pagmamanman, tuluyang naaresto ng pulisya ang tatlo sa limang miyembro ng kilabot na "FX taxi holdap gang" matapos na abangan nila ang mga ito kamakalawa ng gabi habang papatakas galing sa isa na namang panghoholdap sa lugar na palagi nilang binababaan sa Mandaluyong City.

Himas-rehas ngayon ang mga miyembro ng sindikato na nakilalang sina Francis Corpus, 31, ng #118 Purok 6, Zone 8, Bgy. Cupang, Antipolo City; Danny Chavez, 26, ng #830 Valdez st., Balic-Balic, Sampaloc, Maynila; at si Bobby Sena, 25, ng #28 Palansia st., Araneta Ave., Quezon City.

Ipinaliwanag ni Supt. Jose Gentiles, hepe ng Mandaluyong police, matapos ang sunud-sunod na insidente ng panghoholdap sa mga FX taxi sa lungsod, nagsagawa sila ng masusing pag-aaral ukol sa mga galaw ng mga ito.

Nabatid nila na karaniwang umaatake ang grupo bandang alas-7 hanggang alas-9 ng gabi sa mga FX taxi na nanggagaling sa Quiapo patungong Pasig City. Magpapanggap na pasahero ang mga suspek at hindi magkakakilala saka magkakahiwalay na sasakay sa FX.

Ihahayag ng grupo ang holdap bago umakyat ang FX sa EDSA-Crossing fly-over na malimit hindi nababantayan ng pulisya. Dito nila lilimasin ang kinita ng driver ng taxi, mga salapi at alahas ng mga pasahero bago tumakas sa kabilang linya upang hindi mahabol ng driver.

Dahil sa pag-aaral sa galaw ng grupo, inatasan ni Gentiles si Insp. Montano Palma, hepe ng Special Weapons and Tactics (SWAT) upang magbantay sa lugar. Nagtalaga ang mga ito ng mga pulis na nakasuot ng sibilyan sa naturang lugar.

Nagbunga naman ang dalawang linggo nilang paghihintay nang makita nila dakong alas-9 kamakalawa ng gabi ang limang suspek na nagmamadaling bumaba sa isang FX taxi (PXA-809).

Agad na hinabol ng mga pulis ang mga suspek matapos na makumpirma ang panghoholdap na nagresulta ng pagkakaaresto ng tatlo habang nakatakas naman ang dalawa nilang kasamahan. Narekober sa tatlong suspek ang isang kalibre .22 na baril na may anim na bala, isang kalibre .38 na may anim na bala at isang balisong.

Nahaharap ngayon sa kasong robbery at hold-up ang mga suspek sa Prosecutor’s Office habang naghihintay pa ang pulisya ng iba pang naging biktima ng mga ito para kilalanin ang mga suspek at mapalakas ang kaso laban sa mga ito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments