Sa 16-pahinang desisyon ni QCRTC Judge Monina Zeñarosa, Branch 76, napatunayan ng korte na ang mga akusadong sina Nonilo Arile, Carlos Parian at George Beltran ay nagsabwatan upang kidnapin ang biktimang si Juan Paolo Abergas sa may kahabaan ng Rosario Drive, Cubao, Quezon City ganap na alas-12:30 ng tanghali ng Oktubre 1994.
Pinawalang-sala naman ng korte ang dalawa pang akusadong sina Arthur Yamson at Francisco Mortel na umanoy kasama ng unang tatlong akusado dahil sa kawalan ng matitibay na ebidensya.
Hindi rin napatawan ng korte ang isa pang akusadong si Renato Gasmen dahil sa pagtayo nito bilang state witness sa kaso, samantalang ang isa pang akusadong nakilalang si Rolando El Mundo ay namatay na bago maisagawa ang pagbababa ng korte ng sentensya sa kasong ito.
Humihingi umano ang mga suspek ng P10 milyon mula sa pamilya ng biktima subalit wala namang maibigay na ransom para sa paglaya ng bata ang pamilya ng biktima.
Dahil dito, nainip na umano ang mga suspek sa paghihintay sa ransom kayat minabuti ng mga itong bumalik ng Quezon City ilang linggo matapos dukutin ang bata.
Nabatid na basta na lamang iniwan ng mga suspek ang biktima sa Novaliches hanggang sa ito ay matagpuan ng mga awtoridad.(Ulat ni Angie dela Cruz)