Nanggulo sa binyagan tinodas ng mag-utol

Tuluyang nanahimik sa kanyang ginagawang pagwawala ang isang 46-anyos na karpintero matapos siyang pagtulungang saksakin ng dalawang magkapatid, isa dito ay babae, sa gitna ng handaan sa binyag ng anak ng suspek, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Naaresto ng pulisya ang mga suspek na sina Myrna Belga, 21, at ang kuya nito na si Danilo, 26, pawang nangungupahan sa bahay ng biktimang si Benito Bagtas, may asawa at residente ng #137 Shoe Avenue, Bgy. San Roque, lungsod na ito.

Sa imbestigasyon ni PO2 Felixberto Aguila, naganap ang insidente dakong alas-5:30. Katatapos lamang umano ng pabinyag sa panganay na anak na sanggol ng suspek na si Myrna at nagkakasiyahan na sa handaan nang dumating si Bagtas.

Dahil sa lasing na lasing na, nagsisigaw ang suspek sa labas na siyang ikinabahala naman ng mga bisita ng mga suspek. Ayon kay Aguila, inirereklamo umano ni Bagtas ang tatlong buwan nang paninirahan ng kapatid ni Myrna na si Danilo.

May kasunduan umano sila na si Myrna lamang at ang kinakasama nito ang titira sa kuwarto. Nakituluyan naman si Danilo dahil sa naghahanap ito ng trabaho.

Dahil sa pagkapahiya at patuloy na panggugulo ng biktima, hindi na nakatiis si Myrna na agad na sinaksak ang biktima sa noo. Tinulungan naman ito ni Danilo at pinagsasaksak din si Bagtas sa katawan. Inihahanda ang kasong murder laban sa kanila. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments