Trike driver nabangga ang utol, patay

Isang tricycle driver ang namatay matapos na tumalsik papalabas ng sasakyang kanyang minamaneho nang aksidenteng mabangga ng tricycle na nakabuntot sa kanya na minamaneho naman ng kanyang kapatid matapos na hindi agad ito makapagpreno, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Agad na namatay ang biktimang nakilalang si Rodolfo Culambo III, 26, ng #38 Imperial st., Cubao, Quezon City. Nagtamo ito ng malaking sugat sa ulo nang humampas ito sa hood ng kasalubong na kotse.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:51 ng gabi sa Marcos Hi-way, Bgy. Barangka, Marikina City. Binabagtas ng biktima sakay ng tricycle na TK-9390 ang naturang kalsada patungong Cubao kabuntot ang kanyang kapatid na si Rodolfo Jr., 33, sakay naman ng tricycle na may plakang TX-1474.

Aksidenteng nawalan ng kontrol sa kanyang pagmamaneho ang biktima at sumabit ang kanyang motor sa bakal na railing ng island. Hindi naman agad nakapagpreno ang kanyang kuya at nabunggo ang sinasakyan niya.

Dahil sa mabilis na pagpapatakbo, tumalsik papalabas ng tricycle ang biktima at bumagsak sa kasalubong na Kia Pride bago tuluyang mabangga pa.

Agad na isinugod sa Quirino Memorial Center ang biktima ng driver ng kotse na si Guia Diokou Jr., 55, ng Cainta, Rizal.

Sumuko naman sa pulisya ang kapatid na suspek at inihahanda ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting to homicide. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments