Malonzo magpapakulong dahil sa Gotesco scam!

Nakahandang magpakulong si Caloocan City Mayor Rey Malonzo sa sandaling ipaaresto siya ng Mababang Kapulungan sa hindi nito pagdalo sa isinasagawang imbestigasyon ng kamara sa kontrobersyal na pagkakabenta ng lupang pag-aari ng city government sa Gotesco Grand Central.

Sa eksklusibong panayam ng Pilipino Star NGAYON kay Mayor Malonzo, iginiit nito na kahit may banta sa kanya ang House Committee on Good Government na pinamumunuan ni Cagayan Rep. Edgar R. Lara na ipapaaresto siya sa sandaling tumanggi pa itong dumalo sa isinasagawang hearing ng komite ay hindi siya dadalo.

Sinabi ni Malonzo na wala siyang kinalaman sa kontrobersyal na bentahan ng lupa na pag-aari ng lungsod ng Gotesco Investment kundi inaprubahan ito ng konseho na sinang-ayunan naman ng Commission on Audit (COA) na ibenta sa halagang P8,000 per sq. meter.

Aniya, ipinagpipilitan umano ng kanyang kalaban sa pulitika na gisahin siya sa kongreso upang magamit nitong isyu laban sa kanya sa darating na May 2001 elections. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments