Restricted 18 (For Adults Only) ang Sana Totoo Na, ang huli at bihirang pagtatambal ng magnobyo-sa-tunay na-buhay na sina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado, pero puwedeng-puwede sana ito para sa lahat, kundi lang sa elemento nitong sex.
Nagsimulang adult sex-drama ang pang-anim na handog ng World Arts Cinema. True story ito ng isang batambatang pulitiko (Tonton) sa isang lalawigan sa Hilaga, na maraming nakarelasyong babae, at ang separadang (Glydel) ang nagpatino sa kanya.
Pero habang sinusulat ng award-winning screenwriter na si Dennis C. Evangelista ang script, base sa kuwento ng pinakahuling sweetheart ng pabling na mayor, di-naiwasang pasukan ito ng musika, dahil may-ari ng videoke-restaurant ang Glydel-character. Frustrated singer siya at ang mga awitin niya ang umakit sa mayor na mahilig ding magpalipad-hangin sa pamamagitan ng love songs.
Kumbaga, nagkaligawan at nagkaibigan sina Tonton at Glydel sa palitan ng malalagkit na tingin at makahulugang awitin.
Aminado si direktor Arman Reyes na malaking inspirasyon ang award-winning Moulin Rouge sa pagkakasulat ng Sana Totoo Na, bagama’t ito ay mas simple at modestly-budgetted version.
Kasama nina Tonton at Glydel sa Sana Totoo Na sina John Arcilla, Rita Magdalena, Allen Dizon, Pyar Mirasol, Berting Labra, Jackie Castillejo, BJ de Jesus, Precious Valencia, Nicole Noble, Joseph Baltazar at Mario Magallona. Palabas na si Mayo 15.