Lahat nang makausap ko tungkol sa nalalapit na kasal ni Lindsay Custodio sa kanyang boyfriend na si Julius Cesar Platon ll ay iisa ang sinasabi, na deserving si Lindsay sa lahat ng magagandang bagay na nangyayari sa kanyang buhay ngayon sapagkat hindi lamang siya isang mabuting anak, isa rin siyang mabuting tao. Sa kanyang programa sa GMA na SOP ay wala raw siyang karekla-reklamo, kahit na saan mo siya ilagay, kahit kanino siya isama ay napapamahal siya sa kanila, mahusay siyang makisama at wala kang maririnig na salita sa kanya laban sa kanino man.
Marami rin siyang shows sapagkat, hindi siya mareklamo, hindi rin nago-over price. Never din siyang nagpa-star. Cowboy in other words. Maski na ang ina na palaging kasama niya ay hindi kailanman naging stage mother. Nandun lang palagi siya sa tabi-tabi, nagmamasid pero, naniniguro na hindi nadedehado ang kanyang unica hija.
Ang nag-iisang anak na ito ng kanyang mga magulang at prinsesa ng kanyang dalawang kapatid na lalaki ay nakatakdang mag-asawa bago matapos ang taong ito, sa ika-19 ng Disyembre to be exact. Gaganapin ang kanilang pag-iisang-dibdib ni Julius sa San Sebastian Church na susundan ng isang reception sa Manila Hotel.
Nagkakilala sina Lindsay at si Julius may walong taon na ang nakakaraan when a common friend introduced them. Sa telepono lamang sila naging magkaibigan. After seven months, nagkita sila na naging simula ng kanilang pagkakalapit. Pero, nitong Mayo 3 lamang sila naging engaged.
May isang natutuwang anekdota ang dalawa tungkol sa kanilang unang pagkikita. Bago sila nagkita ay ipinagdasal ni Lindsay na bigyan siya ng sign kung ang lalaki na makikita niya ay para sa kanya. Kulay puti ang suot nitong damit ang senyales na siya na nga ang hinihiling niya. Nang makita niya si Julius ay disappointed siya dahil nakaitim ito ng buo, pantalon at pang-itaas. Mabuti na lamang at umulan at nang hubarin ni Julius ang kanyang jacket para isuot kay Lindsay at dun lamang nakita ni Linday na puti ang panloob na kasuotan nito. It was the sign that she asked for. Ito ay ipinagtapat niya sa kanyang fiancee, makaraan ang isang taon ng kanilang pagkikilala. Si Julius ay 25 years old at siyang namamahala ng isang malaking security agency na itinatag ng kanyang mga magulang who are both in politics now. Tapos siya ng BS Management sa Letran at kasalukuyang nasa unang taon ng abogasya sa UST. Si Lindsay naman ay nasa ikalawang taon sa kursong AB English. Pagkatapos ng kasal ay ipagpapatuloy nila pareho ang kanilang pag-aaral.
Bagaman at hindi pa gaanong domesticated si Lindsay, hindi gaanong namomroblema ang kanyang mapapangasawa sapagkat magaling itong magluto at sanay sa trabaho having lived in the States while he was studying.
Powder blue with silver ang motif ng kasal na may 10 pareha ng mga sponsors na kinabibilingan ng mga pangalan sa pulitika at showbiz, among them German Moreno, Cris Belen, Wilma Galvante, Mark Jimenez, Jose Mari Chan, Louie Uy, Edith Lim at mga uncles ng groom. Marami pa.
Si Larry Espinosa ang tatahi ng wedding gown. Gawa na ang wedding ring na napapalibutan ng brilyante at ang towering wedding cake ay nagkakahalaga ng P180.000.
Hindi pipigilan ng groom ang bride kung sakali mang gusto nito na ipagpatuloy ang kanyang singing career. And Lindsay, probably will. After all, hindi naman uubos ng kanyang panahon ang pagkanta. Hindi naman nag-figure ang pelikula sa kanyang career sapagkat may mga itinakda siyang limitasyon para sa kanyang sarili. Matatandaan na tinanggihan niya ang Rizal film dahilan sa ayaw niya na tumanggap ng kissing scene.
|
Gumaganda ang career ni Hanna Villame. Ibig sabihin kaya nito ay magsa-suffer ang kanyang lovelife? Ano ang say mo, Ronald Gan? After she arrived from Canada na kung saan ay nagkaroon sila ng successful shows ng kanyang amang si Yoyoy Villame ay abala siya sa kanyang co-hosting job sa bagong programang Lunchbreak, 12 nn, IBC 13, Mondays to Saturdays. Produced ito ng MMG Entertainment headed by Stella Ledesma, an umbrella company of the Mateo Management Group na pinamumunuan naman ng mag-asawang Engr. Erwin at Evelyn Mateo.
Full blast pa rin ang promo ng self-titled album ni Hanna na ang carrier single ay isang revival ng isang awitin ni Imelda Papin na pinamagatang "Ako Ba O Siya?"
Aalis silang muli ng kanyang ama sa Disyembre 3-19 para sa Australia pero, bago ito ay magkakaroon siya ng show sa Kampo sa Nob. 23 kasama si Yam Ledesma. Pagbabalik niya ay naka-schedule siyang mag-perform sa Southern Bulls sa unang buwan ng 2001.
Mapapanood siya sa Lunchbreak, Tuesdays, Wednesdays & Saturdays.