Pinakasikat na siguro si Pope Francis
Sa buong mundo na super personalities,
Noong ngang commemorative stamps n’yay ni-release,
UBOS! Post Office nga raw ay naging POPE’S OFFICE!
“Focus on Jesus, not me!” ang sabi ng Papa,
Katulad din natin ay tao lang din daw s’ya,
‘Yung iba nga kasi ninegosyo pagpunta,
Ngayon, si John Lennon ba’y masisisi n’yo ba?
Ang mahal na Pope ay sa “Jeepmobile” lululan
Dahil Jeepney ng Bayan ang kanyang sasakyan,
Ops, hindi “God HUDAS Not Pay!” ilalagay d’yan!
Ang dapat nakasulat, “Upong DIOS Po Lamang!”
At kung may usok na lalabas sa tambutso,
Siguraduhing PUTING USOK lamang ito!
At s’yempre bawal ang sumabit sa estribo
Lalo na ang mga epal na pulitiko!
Ang turing ng marami kay Papa Francisco,
Tila ba isang “Rock Star” na iniidolo!
Baka naman nakakalimutan na ninyo,
“The ROCK” din tawag sa Unang Papa — si Pedro!
Sapagkat s’ya ang naatasang maging BATO
At pundasyon ng Simbahan ng Katoliko,
At ‘wag naman sana iba d’yay malisyoso,
Usok at bato’y ikonek at gawing isyu!
Ano nga ba ang usok sa usapang ito?
Ang kanyang kahalagahan lang sa totoo?
‘Toy para talaga sa alaga ni Pedro,
Nang mabugaha’t tumapang ang manok nito!
Aha, o ‘yung iba d’yan ‘wag masyadong seryo,
Naglalaro’t nagbibiro lang Ang Poet N’yo,
At paniniwala pa nga ng lingkod ninyo,
Nilaro’t biniro rin ako ni San Pedro!
Sa sulok na ito’y akin nang naikwento
Nang sa Jerusalem nagpunta noong Marso,
At dun sa Church of Saint Peter in Gallicantu,
Isang masasabing “regalo” nakamit ko!
Lugar na ito ay pinaniniwalaan
Na High Priest na si Caiaphas ito ang tahanan,
At dito rin si Pedro nagmaang-maangan
Hanggang itatwa na si Hesus nang tuluyan!
Nang bumaba na sa madilim na piitan
Na sa ilalim ng lupa matatagpuan,
Habang nananalangin ibang kasamahan,
Akong pilay nun sa pader sumandal na lang.
Nang aking mapansin aking sinasandigan,
May kaibang larawan nang ilaw tamaan,
Sapagkat ang kabyak ko ay aking kinunan,
Sa lumitaw dito ako’y kinilabutan!
ISANG MANOK! At hindi ko na daragdagan,
At ang lahat ng ito ay sa akin na lang,
Isang kakaiba’t magandang karanasan,
Salamat sa nagpadama… kung sino ka man.
Kanya-kanyang kasaysayan tao sa mundo,
Iba’t-ibang tama sa puso’t isip ito
At hindi na kailangang magpatotoo,
Mga paniniwala lahat irespeto!
May tanong lang, sana’y ‘wag kayong magtatampo —
Napansin ko lang na excitement ay masyado
Dito kay Pope Francis sa kanyang pagparito,
EXCITED din ba kayo pagdating ni Kristo?