Ano ba ang Tagalog ng GAY sa tingin n’yo,
Maliban sa “bading” at “binabae” ito,
Na lalarawang totoo sa pagkatao?
May bago ako sa aking BAKLA-BULARYO!
Dahil s’yay malambot, makulay at masaya,
Maraming borloloy at mabongga talaga!
May angkop nang tawag Ang Poet N’yo sa kanya —
Ito ay HALO-HALO at wala nang iba!
O hindi ba Mama? Kung kaya mula NOW na,
Halo-Halo na in Tagalog ang gay bruha!
‘Di ba parang “fiesta” at ‘di mainsulto pa?
Kaya ipagkalat na ya’t itsika, hala!
Ops, maisingit ko lang at teka nga pala,
Alam n’yo ba na itong inyong binabasa
Ay sinulat ko alas kwatro ng umaga?!
Napatayo nga dahil sa bagong ideya.
Kahit tulog na utak ko’y naglalaro pa,
Kasi I think gay, este Halo-Halo pala!
Tila ba laging gumagawa’t gumagana
At naghahanap ng kausap at masaya!
Yaon bang kung ano-ano ang nakikita,
Wari bang wala talagang oras-pahinga!
‘Di ko nga malaman ito ba’y disiplina?
Minsan paggising… nakasulat na ng kanta!
Alam n’yo ba nung araw na may Metropop pa,
Ang Poet N’yo ay nagpasok ng isang p’yesa —
“Longganisang Maong, Mga Dagang Denims” s’ya,
Ito nahirang na Special Award na una!
Sa katunayan ito pa nga unang-una
Na ginawaran ng Rap Award sa istorya
Ng awit-paligsahan sa naaalala,
‘Di nila alam… napanaginip lang pala!
Trulili mga aching! Ngek! Este, that is true!
Kabuuan ng kanta’y napanaginip ko!
Dalawang eksena pa nga binawas dito
Sapagkat bibigat na ang bato masyado!
“Rappin’ Rock” ang nakaukit dito eksakto
Sa Special Award na plake na natanggap ko,
At mula nga nun kahit sa antok ay hilo,
Pilit na tatayo pag may pumasok sa ulo!
May pagkakataon kasi pag nangyari ‘to
At ‘yong pinalagpas at tinuloy tulog mo,
Sa iyong paggising parang sira ang ulo
Sa pilit na pag-alala kung ito’y ano!
Masarap namang magpagod-isip talaga,
Lalo na’t pinapaksa mo ay masasaya,
‘Di ba nga’t madalas tinutulak kong isa —
Mas mahimbing ang tulog mo pag pagod ka na!
Kung gustong malaman bakit dito napunta,
Sa pinaksa kanina ano ba nauna?
Ang “Halo-Halo” o ang “kabaklaan” muna?
Halo-Halo pagkat una’y ICE CREAM talaga.
Habang papatulog nag-iisip ako ba
Ng ipapangalan sa aking pinipinta
Na kariton nito na isang iskultura,
Ops, teka, tiyak kayo’y naguguluhan na!
Nagpipinta? Iskultura? Yes, tama po s’ya,
Kinukulayan ko po ang isang estatwa!
At sa wakas pangalan ay nabigyan ko na —
My Ice Cream cart? “SURE BETS” itatawag sa kanya!
But wait, there’s more! ‘Kala n’yo pwedeng tapos na ‘no?
Hindi ako tumitigil hanggang sa dulo,
‘Yun bang hanggang hindi nauubos tinda ko,
He, he, eh may humabol pang isang titulo.
“Sure Bets” para sa sorbetes ko ay ayos na,
Ngunit may isa pang ayos na pumasok pa,
Para sa ice cream cart name ko… ano pa nga ba?
Ayos eh… eh di “AYOS CREAM!” Ubos na apa!