News ko po! Tayo muli ay magbalitaan!
Mga bagay na ngayon ay usap-usapan
At pinagdedebatehan pa nga kung minsan —
Magbuhos ng tubig na may yelo number one.
‘Yan ang Ice Bucket Challenge… pero luma na ‘yan,
Pagkat “EYES… BAKIT… CHALLENGE” ay nauna pa d’yan!
Nung araw kapag masama nagkatinginan,
“Bakit may angal ka?” ‘yun agad ang tanungan!
After the EYES and the “BAKIT?” na ay HAMUNAN!
‘Yun na ang CHALLENGE … kasunod na nu’y rambulan!
Kasunod pa lang ang ICE pag may nabukulan!
At pag may nasaksak hihingi ng DONATION!
Of course meron din namang NOMINATION s’yempre,
Eto ‘yung “IRERETO KITA!” pag malaki
Ang kalaban mo’t malamang lang ay magulpi,
Therefore, “I nominate my Kuya to fight for me!”
At bukod sa BAKBAKAN may isa pa nung “BAK”,
Kapag nadehado gusto uling umatak!
At dahil nga sa bugbog naalog ang utak
Kung kaya salitang RUSH BACK ay naging RESBAK!
Kaya malinaw ring nuo’y may naliligo,
‘Di nga lang COLD WATER kundi COLD BLOOD, ugh! Dugo!
At sa BUCKET naman laman-loob mo tungo
Tapos kang maimbalsamo na ni Mang Inggo!
Imagine, “Ice Bucket” at “Eyes Bakit” nagkita!
At Ang Poet N’yo nagawan pa ng istorya!
Maglaro’t magrambol ng salita bakit ba?
Eh natsa-CHALLENGE ako at dun maligaya!
Bakit ‘di pa natin ituloy ang ligaya?
O, eto pa — kung gusto n’yo raw na makita
Ang sa ALS Ice Bucket Challenge sumama,
May Ice Bucket LIST daw at sa YELO Pages s’ya!
Cool. ‘Di na kailangang mag-IGIB ng TUBIG
Kahit TOO SMALL basta mahalaga ay i-GIVE!
Sabi nga, “HELP ROCKS!” Tulong nakakakilig!
“ROCKS DON’T HELP!” Well, kung gusto mo lang nang malamig.
Mga sinabi ba’y inyong naintindihan?
He, he, he… kung hindi eh pasensya na lamang,
Sa lahat ng ayaw ko ay may explanation,
Kung hindi n’yo ma-gets eh si ngumanga na lang!
Maraming napanganga nang hindi tanggapin
Ni Erap ang Ice Bucket Challenge nang hamunin,
Dahilan ni Erap madaling intindihin —
Batang San Juan ‘yan! BASAAN s’yay sawa na rin!
Dapat ‘wag hamon nang hamon, basta tumulong,
NO TO CHALLENGER! BE THE CHAMPION! Uy, serious ‘yon!
Ngunit seriously talaga maganda layon,
Baka lang sa challenge sakit naman sa PULMON!
“Awareness”, ‘ika nga naman ang mahalaga
Sa isang sakit ipinupunto ng iba
At ang iyong pagtulong nagiging masaya
Dahil sa dinadagdag na “katuwaan” ba.
Nakakatuwang nakakatawa nga naman,
Nakakatulong na’t nagkakasayahan lang
“Awareness” nilalagyan lang ng katuwaan?
Well, why not? Simula nga ng “funeral” ay FUN!
At sa huli ay ‘wag nating kalilimutan —
“Higit pa salapi ang kinakailangan
And a cure for ALS is still a long way home”
Kaya for added challenge — DASAL AY DAGDAGAN!