‘Hayop sa galing!’

Noong unang araw ng aming pagte-taping

Ng bago kong palabas na “Hayop Sa Galing!”,

Ito po’y sa Singko, Kapatid mga darling

At tuwing Sabado ng gabi dumarating.

 

Dahil ito’y tungkol sa kahayupan,

Malikot kong isip ay hindi naiwasan,

On the way to the shoot biglang napag-isipan —

Salitang “ANIMAL” saan pinanggalingan.

 

At alam n’yo ba, ito’y sa palagay ko lang,

“ANIMAL” ay nagmula sa “ANIM” na bilang

Dahil kung Banal na Aklat pagbabatayan,

Sa ika-ANIM na araw sila nilalang.

 

“Weh!” — ‘Yan ang reaksyon ng iba d’yan malamang,

Excuse me mga darling at kanya-kanya ‘yan,

Baka mapa-‘Ngek!’ pa kayo kapag nalaman

Kung saan nanggaling salitang “HAYUP” naman!

 

Alam n’yo bang ang dalawa’y may kaibahan?

Nauna ang HAYUP sa ANIMAL nilalang,

Ika-limang araw ibon ang nagliparan

HIGH UP there…HIGH UP…hanggang naging HAYUP na ‘yan!

 

O ano, meron pa bang mas hayop sa galing d’yan?

Aba, kanya-kanya ‘yang paliwanagan

At dun sa nagtanong anong araw si Adan,

Pagkatapos ng mga “animal” s’ya naman.

Nung pang-anim na araw s’ya huling nilikha

At nung pampitong araw si Boss nag-rest na nga,

Sa nagtatanong kay Eba kailan ginawa,

Hindi ko na alam at iba-iba hula.

 

May nagsasabing “boses” lang nung magsimula,

Ang babae’y “tinig” lang…katawan ay wala,

Sa ingay at kulit si Boss walang nagawa,

Ginawan ng katawan… si Adan sinira.

 

Tinanggalan ng isang tadyang ang kawawa,

Nagkaroon naman s’ya ng kasama bigla,

Pampitong araw nung si Eba ay ginawa,

Day of rest ni Boss dapat…at ayun, nasira!

 

At sari-sari nga ang mga sapantaha,

Eto pa sinasabi ng ibang may akda —

“At mula nga noon, araw ng pahinga nga,

‘Di na rin nagpahinga kanilang bunganga!”

 

Teka, teka, usapan na’y napariwara

At usapang hayop tayo nung magsimula,

Basta’t sa “Hayop Sa Galing!” host ako na nga,

PINAKA-hayop pa! Ayaw n’yong maniwala?

 

My name is JOEY…o ‘di ba baby kangaroo?

De LEON…kailangan pa bang i-explain ‘to?

Middle name ko’y RAMOS…RAM-OX ang tunog nito,

May hahayop pa ba sa ‘kin? Ano tingin n’yo?

 

I was born in October…eh di OCTOPUS ‘no!

Pinaglihi sa TSONGGO sabi ng nanay ko,

Sa PELICAN Street nakatayo ang bahay ko

At sa ZOO… este SHOW Business aking trabaho!

 

At isa pa nga palang hayop at magaling

Dito sa bagong show ko na “Hayop Sa Galing!”,

Aba nung letra ng title aking bilangin,

Hayop! Galing! Ang letters n’ya lahat ay THIRTEEN!

 

Show comments