Sa araw-araw na ginawa ng Maykapal,
At sa Eat, Bulaga! sa itinagal-tagal,
Na-meet na tao milyong patong na ang kapal,
May ilang ‘di malimutan — ‘yung mga hangal.
Magnanakaw sa magnanakaw din galit ‘yan,
Bakla at tomboy minsan nagkakatuluyan,
Ngunit sa tulad kong meron ding kahangalan,
Makatagpo ng isa pa’y kaligayahan.
About 6 p.m. isang araw ng Sabado,
Sa may bandang Metrowalk napadaan ako,
Pagkat sa tabi ng prutasan ay may pwesto
Na nagtitinda ng pusit at alimango.
Kung ‘di n’yo pa alam isa sa paborito
Ay pusit na punong-puno ang loob nito;
Mapintog at mabilog kapag kinagat mo,
Pati rin crabs — boy or girl o bakla man ito.
Dahil gabi na nagbaka-sakali na lang
Na may tabang pusit pa akong aabutan,
Subalit ang sakit ako ay naunahan
Ng isang customer pusit pinagpilian.
Kaya iba talaga kung laging maaga,
Sa mga gusto mo ikaw ay mauuna,
“Sayang,” ang sabi ng bading na nagtitinda,
At inalok na lang n’ya hipong natitira.
Hawak pa n’yang ilan sa kanyang mga kamay,
Napansin kong lungayngay na’t wala nang buhay,
At sinabi ko pa, “Eh puro na ‘yan patay,”
Say ng bakla, “Buhay pa ‘yan bago namatay!”
Ngek! at Acheche! at tawa reaksyon ko d’yan,
Sapagkat mga taong may kahangalan;
‘Yon bang sige-sige lang at may kalokohan,
Nirerespeto pa nga at hinahangaan.
May bigat at timbang pa nga sa akin minsan —
Isang sinabing nagpasakit ng aking t’yan,
Kaysa naman sa isang nagpapalalim lang
At nagpasakit lamang ng aking bumbunan.
Lahat naman tayo’y may angking kahangalan,
May mga natural at ila’y palihim lang,
At kung minsan pagsumpong ay natutulungan
Ng alak o kung kayo’y kayo-kayo lamang.
Maaaring ito’y sa salita o gawa,
May nakakatawa at may nakakatuwa,
Kaulula’t kapilyuhang mambubulaga,
Sinasabi’t kinikilos na parang bata.
Kaya sa mga viaje pag picture-picture na,
‘Di ko sineseryo wina-wacky talaga,
Hinahanap ko’y mga k’welang karatula
Para mga ala-ala ay mas masaya.
Ang inyo nga pong lingkod ay naniniwala,
Kahangala’y dala na mula pa pag-uha,
At bakit naman hindi ‘di ba nung simula —
Adan at Eba may kahangalang ginawa?
Kapag kulang ito hindi BUO ang tuwa,
Hindi tayo BUO pag kahangala’y wala,
Pero teka bakit pag ito na’y ginawa,
Bakit ba karaniwang sasabihin ...“SIRA!”
* * *
To my “September Girls” — Jocas (Sept. 16), Cheenee (Sept. 22) and Eileen (Sept. 20)... Happy Birthday!