Ngek! Kung sino man ang patron ng kunsumisyon,
Utak ng nasyon tanggalan ng alimuom,
Kailan lamang nag-aaway tungkol sa condom,
Biglang naging gulong-gulo tungkol sa kingdom.
Mula sa gomang korona ni Haring Pedro,
Atensyo’y nalipat sa ibang trono’t setro,
Iba talaga tayong mga Pilipino,
Kung saan may guerra duon gustong magtungo.
Naghalo-halo na balat sa tinalupan,
Ipagbunyi tayo’t Prinsipe ng Condoman,
Pero bakit ‘di nabigyan ng imbitasyon
Ang ating Box-Office King and Queen ngayong taon?
‘Di mo naman masasabing may konting tililing
Pati na ang media tungkol sa Royal Wedding,
May pusta’t betting pa nga sa kung aning-aning,
Sa totoo lang ito’y naging Royal Jueteng.
Kesyo ano ang kulay ng traje de boda?
Mas bongga ba kay Di? Hiniram o nirenta?
Eh di sana mga tsismosa tinodo na —
Inalam n’yo na rin sana ang ninang nila.
Ngunit nung sumilip at nagpalipat-lipat
Sa local TV coverage tiningnan lahat,
Paghihirap sumawsaw aking kinagulat,
Sa mga lady anchors ay walang naka-hat.
Ano ba, ano ba, nalimutan n’yo na ba?
May dugo tayong bugaw, este bughaw pala,
Namulat na tayong may mga Datu’t Raha;
Ander di saya ni Isabela’t Felipa.
At ilang taon din tayong may Emperador,
Ginawa pang Goring Hotel ang Corregidor,
Kaya monarkiya gusto n’yo bang i-adore?
Simple lang ang tanong: Do you really want more?
Alam ko namang ‘yay entertainment lang baga,
Fairytale syndrome para sa Hari at Reyna,
Tila sila’y mga manyikang kay gaganda,
Hintayin n’yong ang Prince maghanap ng Camilla.
Nyah! At d’yan siguro ay magigising ka na,
‘Di na hihintaying sa ‘yoy may hahalik pa,
Kung minsan sa makabagong fairytale ‘di ba,
Paatras! Nagiging palaka ang prinsesa.
At alam ko ring sa totoo ang hanap n’yo —
“And they lived happily ever after” sa dulo,
Pero di nga ganon kaya harapin ninyo
Na tayo’y hanggang porma lang Katipunero.
At marami sa atin bahay ang palasyo,
‘Di ba’t naghahari-harian tayo dito?
At ang mga reyna natin not just one, but two!
At kung minsan ay harem pa, o ano say n’yo?
I think I know kung bakit tayo ay ganito —
Sa mga hari’t reyna ay napipintuho,
Sa ating pagtanda ito kasi ang bisyo —
Bukod sa chess, puro pusoy ang nasa ulo.
Pwera yabang, inyo pong lingkod napuntahan
Ang halos lahat ng may kahariaan —
Sweden, Denmark, Spain, Belguim, England at Netherlands
At ilang mga lugar na nasasakupan.
Asya’t Middle East; ilang islang Caribbean,
Pati nga sa Prinsipe lang nanunungkulan,
Aminado akong isang turista lamang
Ngunit ninanamnam kanilang kasaysayan.
At sa lahat ng ito ay may isa lamang
Bagay na hanggang ngayo’y pinag-iisipan —
Nung unang panahon sa ilang kahariaan,
Maraming nanonood pag reyna’y nagsilang.
Kung hanggang ngayo’y sinusundan ‘di ko alam,
Basta lang ang reyna habang nakatiwangwang,
Marami ang tao at testigong nag-aabang,
Baka nga naman ang anak ay mapalitan.
‘Yan ay isang tradisyong may katotohanan,
Ito laban sa batas ay may katibayan,
Tandaan ang batas ay naaamyendahan,
Ang isang tradisyon minsa’y magpakailanman.
Sa mga ikinasal ang aming pagbati,
At isang Royal Wedding ‘di naman palagi,
And we will just wait for nine months kung maaari —
Coverage ng Royal Special Delivery... ngiii!
* * *
Today is the birthday of my youngest son, Jio Sebastiean. Happy birthday Jio and welcome back home.