Dahil tagasukat ng wedding gown

Dear Dr. Love,

Ako po si Mina. Isa akong mananahi ng gown at nagpaparenta. Ang lagi kong pinasusukat ng mga gown ay ang dalaga kong anak.

Nagsabi siya sa akin na wala bang epekto sa kanyang love life ang ginagawa niyang pagsusukat ng gown? May bf kasi siya at sinabing huwag na raw siyang magsusukat ng mga gown na pangkasal. Masamang pamahiin daw iyon.

Pinagalitan ko nga silang dalawa dahil sa gown kaya kami nabubuhay sa ngayon.

Hindi pa nga ako gumagawa ng gown noon ay nilayasan na ako ng kanyang ama. Kaya kahibangan para sa akin ang sinasabi nila.

Ayokong maniwala pero dumating ang sandali na nagkasakit ang kanyang boyfriend.

Ako tuloy ang kanyang sinisisi. Pati ang hanapbuhay ko ay nadadamay.

Nag-alala din ako dahil humina talaga ang kanyang katawan hanggang na-confine siya sa ospital.

Mabuti na lang mahusay ang kanyang doktor, naagapan ang kanyang sakit na hepa. Sa kakakain daw ‘yun ng mga street foods.

Simula noon naghahanap na ako ng magsusukat ng mga gown na pangkasal dahil talagang mahal ng anak ko ang boyfriend niya.

Mina

 

Dear Mina,

Hindi naman sa pagsusukat ng gown ang dahilan kung bakit nagkasakit ang bf ng dalaga mong anak. Nagkataon na talagang mahilig siya sa street food.

Talagang delikado ang kumain ng mga pagkaing nauusukan at nalalagyan ng mga mikrobyo.

Kung mahal talaga ng anak mo ang bf niya, aba’y sabihan niyang huwag kung saan-saan kumain.

Piliin nila ang kakainan nila. Ngayon tungkol naman sa pagsusukat ng gown, kung talagang ayaw niya ay huwag mo nang pilitin.

Respetuhin mo na lang ang kanyang paniniwala. Unti-unti mo lang ipaliwanag sa kanya na nasa Diyos ang pagpapatupad ng lahat ng ating mini-mithi.

Siya rin ang mag-iingat at nagbibigay kagalingan sa atin. Mas mainam naman ang manalig sa Maykapal kaysa sa kasabihan.

DR. LOVE

Show comments