Dear Dr. Love,
Gumugulo po sa isip ko ngayon Dr. Love ang tungkol sa katotohanan sa pagkatao ng aking panganay na anak. Hindi ko po ito naipagtapat sa kanya hanggang sa mamatay na lang siya.
Si Barry ay anak ko po sa unang boyfriend ko. Nagkita kami ni Delfin sa bansang pinagtrabahuhan ko noong ako’y ofw pa at doon natuloy ang naudlot naming pagmamahalan, kahit alam namin na pareho na kaming may asawa. Plano ni Delfin noon na iwanan na ang kani-kaniyang asawa namin sa Pilipinas. May dalawang anak noon si Delfin, ako naman ay wala pang anak kay Pedring dahil ang usapan namin ay pagbalik ko kami magpapamilya, kapag nakaipon na.
Pero nangibabaw ang pagiging ama ni Delfin nang mauna siyang bumalik sa Pilipinas, hindi na niya ako binalikan kahit pa alam niyang nagbunga ang aming binuhay na relasyon. Ginusto ko ilihim ang katotohanan sa aking pagbubuntis kaya nag-imbento ako ng kuwento sa aking asawa. Sinabi ko na biktima ako ng rape.
Tinanggap ito ng lahat, lalo na ni Pedring. Binigyan niya ng pangalan ang bata pero lumabas ang pagkakaiba ng turin niya nang magkaanak kami. Kaya lumaking insecure si Barry pero matalino ang aking panganay kaya siya ang nakapagtapos at nagkaroon ng matatag na trabaho. Naging maganda rin ang buhay may asawa niya. Bagay na ipinagngingitngit ng mga kapatid niya. Dahil kabaliktaran ang naging buhay nila. Tinalikuran kasi ang pag-aaral.
Ang saklap lang po, sa edad na 40 ay inatake sa puso si Barry at namatay. Nawalan na po ng pagkakataong maipagtapat sa kanya. Sumakabilang buhay din ang aking asawa na hindi alam ang katotohanan.
Sa palagay ko, nakarma na ako sa ginawa kong paglilihim sa kanila nang tunay na nangyari sa akin sa abroad. Sa tingin po ninyo, kailangan ko pang ipagtapat sa aking mga anak at pamilya ang buong pangyayari at ang pagkatao ni Barry? Inuusig po ako ng konsiyensiya.
Gumagalang,
Anita
Dear Anita,
Kung katahimikan ng budhi ang mangingibabaw sa iyo, ipagtapat mo. Pero ihanda mo ang sarili sa posibleng reaksiyon ng iyong mga anak dito. Pag-isipan mo ng mabuti ang bagay na ito.
Kung sa palagay mo ay ikagugulo ito lalo ng samahan ninyong mag-iina, yaman din lamang na pareho nang yumao ang panganay at asawa mo…ibaon mo na rin sa lupa ang lahat.
Dr. Love