Napagbalingan

Dear Dr. Love,

Nais ko po maniwala na ang bawa’t nilalang ay may kaniya-kaniyang nakatakdang kapalaran. Gaya po ng pangyayaring nagbunsod kung bakit ako nakakulong ngayon.

Mahirap na pamilya lamang ang kinamulatan ko kung kaya sa sariling sikap ay iginapang ko ang kursong nursing sa North Central Mindanao College, nag-working student po ako. Hindi po naging madali ang lahat para sa akin pero nakakatuwang isi­pin na isang taon na lang ay makukuha ko na ang minimithing certificate.

Pero isang insidente ang bumura sa lahat ng pangarap ko. Dalawa sa aking classmates ang dinatnan kong nag-aaway noon at tinangka kong umawat. May kalibre 38 pala ang isa, binaril ang kanyang kagalit na tinamaan sa leeg at nang ako na ang pagbalingan nakipagbuno po ako. Nagtapos ang insidente sa pag­kasawi ng armado kong classmate. Dahil sa aming pag-aagawan sa baril ay pumutok ito ng dalawang beses at tumama sa kanya.

Isinuko ko po sa pulisya ang aking sarili at dito na nagsimulang malugmok ang buhay ko. Dahil ako ang lumabas na may kasalanan. Wala na po akong nagawa kundi tanggapin ang mga nangyari. Dinadasal ko po sa Panginoon na sana bigyan ako ng katatagan ng loob para malampasan ang mga ganitong pagsubok sa aking buhay.

Alam kong hindi ako masamang tao. Ang sabi ko, kaya ko inabot ang ganitong sitwasyon ang mayroong kadahilanan. Sa ngayon po, ang hiling­ ko Dr. Love ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat na handang umunawa at tanggapin ang naging buhay ko.

Maraming salamat po at may the good Lord bless you always.

Lubos na gumagalang,

Elmer Vialana

Bldg. 1 Cell 123 MSC Camp Sampaguita Muntinlupa City 1776

Dear Elmer,

Tunay na mayroong kanya-kaniyang nakatadhanang kapalaran ang bawa’t nilalang pero kadalasan sa buhay natin, tayo ang pumipili kung anong klaseng sitwasyon ang ating kasasadlakan. Gayunpaman, maganda ang pagiging positibo mo sa kasalukuyang kalagayan. Inilathala na­min ang iyong address at nawa ay makatagpo ka ng taong magmamalasakit ng totoo sa iyo. God bless you.

Dr. Love

Show comments