Dear Dr. Love,
Ang kakapusan na nararanasan namin sa buhay ang nag-udyok sa akin para lumuwas muli ng Maynila at mamasukan. Tinanggap po uli ako ng dating amo.
Tutol po ang mister ko sa paglayo ko, pero napilitan na rin siya dahil kailangan niya rin ng tulong ko para sa kanyang pananim. Ang aming bunsong anak ay dinala ko sa aking ina habang ang panganay na maglilimang taon gulang ay kasama ng aking asawa.
Dati rin po namamasukan sa Maynila ang aking mister, sa konstruksiyon pero dahil mabagal po siyang kumilos sinisante siya at hindi na nakahanap pa ng ibang mapapasukan.
Umuwi kami sa mga magulang niya, pero itinaboy kami sa kapirasong lupa malapit sa bundok, na siya raw naming pagyamanin. Wala po kaming pambili ng abono at pamatay ng kulisap, isa pa mahina po sa pamamaraan ang aking asawa sa agrikultura.
Kaya ang isang beses na anihan ay kulang pa para sa pangangailangan ng pamilya. Tanging mga tanim na gulay lang po ang naibebenta pero hindi rin sapat.
Tatlong taon po akong tumigil sa pamamasukan at hindi ko na po maatim ang sitwasyon ng aming pamilya kaya namasukan akong muli.
Bukod sa matugunan ang pangangailangan ng aming mag-anak, gusto ko rin po magkaroon ng pamasahe para mabisita naman ang aking mga magulang at kapatid sa Bicol, nangungulila na po ako sa kanila.
Gustuhin ko mang sama-sama kami ng pamilya, walang mangyayari kung aasa lang ako sa aking mister. Kailangan ko munang humanap ng puhunan saka na babalik uli sa bundok para makapagtindahan man lang ako.
Maraming salamat po at sana mamulat din ang mga mata ng aking asawa na para mabuhay, kailangang maging masipag at maabilidad.
Gumagalang,
Tina
Dear Tina,
Talagang dapat magtulungan ang mag-asawa sa ginhawa man, lalo na sa gipit na sitwasyon. Lalo na sa panahon ngayon. Wala akong nakikitang masama sa hangarin mo na makatulong para sa pangangailangan ng inyong pamilya.
Huwag ka sanang makalimot na ang relasyon ng pagiging mag-asawa ay pagiging lakas ng bawat isa. Naniniwala ako na walang pagsubok sa buhay na hindi malalampasan, lalo na kung sa bawat hakbang ay hindi nawawala ang pagtitiwala natin sa Maykapal.
Dr. Love