Hindi na takot mag-isa

Dear Dr. Love,

Pagkaraan ng dalawampu’t dalawang taong pagsasama bilang mag-asawa, nagpasya na akong tuluyan nang makipaghiwalay kay Frankie. Hindi ko na kayang maghintay sa kanyang pagba­bago. Sa kanyang ugaling hindi sisipot sa aming­ mag-iina ng ilang taon kung mayroong bagong kinakasama.

Umuuwi lang siya kung minsan pagkaraan ng isa o dalawang taon kung mayroong kinalolokohang iba. Ilang ulit ko na po siyang inunawa, Dr. Love dahil sa sinasabi niyang kahinaan sa babae.

Kung noong una, takot akong mag-isang bumalikat ng responsibilidad sa pagpapalaki at pagtataguyod sa aming dalawang anak, ngayon po ay hindi na. Sinuwerte naman ako sa aking itinayong parlor at boutique.

Dalawampu’t isang taon ako nang ikasal kay Frankie na noon ay dalawampu’t limang taong gulang na. Bagaman niligawan naman niya ako noon nang matagal, damdam ko pinakasalan lang niya ako dahil noon ay nagdadalan-tao na ako sa aming­ panganay.

May trabaho naman po siyang permanente na kayang bumuhay ng isang pamilya pero lahat niyang nakarelasyon ay siyang gumagastos sa kanya. Mahilig siyang kumuha ng sugar mommy. Kaya kung hindi may asawa, balo o hiwalay sa asawa ang kanyang kinukuha. Hindi siya ang nagbabahay. Siya po ang ibinabahay.

Bahala siya kung magbibigay ng sustento sa aming anak o hindi. Tutal, hindi rin naman siya re­gular na nagbibigay ng allowance sa kanila. Kaya ko na ang buhay na walang asawa. Sana po sa naging desisyon kong ito maging mapayapa na nga ang aking isip at kalooban.

Maraming salamat po sa inyong pagbi­bigay-daan sa liham kong ito.

Gumagalang,

Nanette

 

Dear Nanette,

Sa pagkakasalaysay mo ay nakapagpasya ka na tungkol sa relasyon ninyong mag-asawa. Gayunman, ipinapayo ko na minsan pa ay bigyan mo ng katiting na puwang para sa isa pang pagkaka­taon ang iyong asawa sa kanyang muling pag-abandona at pagbabalik sa buhay ninyong mag-iina.

Sikapin mo muna na makapag-usap kayo ng sarilinan at masabi mo lahat ng niloob mo at ang mga balak mong gawin kaugnay sa nangyayari sa inyong relasyon. Higit sa lahat kung ano ang pa­nanaw ng inyong mga anak kaugnay dito.

Hindi kasi lahat ng bagay na tinalikuran na ay maaari mo pang balikan, kaya pinakamabuti na matiyak mo sa iyong sarili ang desisyong bi­bitawan.

Dr. Love

Show comments