Paano susupilin ang tukso?

Dear Dr. Love,

Umaasa akong pauunlakan mo ang aking sulat na gaya ng iba’y dumudulog sa iyo para humingi ng ginintuan mong payo.

Tawagin mo na lang akong Isidro, 69 anyos at sa buong buhay ko’y naging tapat ako sa aking­ asawa.

May lima kaming anak na pawang nasa abroad na at tanging kaming dalawa na lang ang naiwan dito sa aming maliit na farm sa Ba­tangas.

Kami lang ng asawa ko ang naririto kasama ang isang katulong na dalawang taon nang nag­lilingkod sa amin. Mabait na bata si Lagring at maserbisyo sa amin.

Dumating ang matinding dagok sa buhay namin nang ma-stroke ang kabiyak ko at namatay ang kalahating katawan. Matiyagang inalagaan ni Lagring ang misis ko at dahil doon ay hina­ngaan ko siya.

Fourty-three anyos na si Lagring at may itsura. At dahil dito’y tumibok ang puso ko para sa kanya. Aktibo pa ang aking pagkalalaki at ang asawa ko ay hindi na puwede dahil sa malubha niyang kalagayan.

At sa tuwing nalalapit ako kay Lagring ay may malakas na tuksong nagtutulak sa akin para siya ay angkinin. Ayaw ko itong gawin ngunit ang tukso’y napakalakas.

Ano ang dapat kong gawin?

Isidro

Dear Isidro,

Diyan masusubukan ang iyong katatagan at katapatan sa asawa. Oo, mahirap nga dahil magkakasama kayo sa isang bahay at ang asawa mo ay nakaratay.

Wala akong maipapayong pormula para ma­supil ang nararamdaman mong pagnanasa ma­liban sa panalangin at pagtanaw sa ma­ganda niyong pinagsamahan ng iyong asawa.

Ngayon pa bang nasa malubha siyang kalagayan ay doon ka magtataksil sa kanya?

Kaya kalimutan mo ang nasa utak mo at isipin mo ang maganda ninyong pagsasama ng iyong misis at huwag mong wasakin.

Dr. Love

Show comments