Dear Dr. Love,
Dalawang taon nang namayapa ang lalaking minahal ko, pero hindi pa rin mawala sa aking isip na sana napatawad niya ako sa naging desisyong kong ibalik siya sa kanyang tunay na pamilya.
Opo, Dr. Love, isa po akong kabit. Isa ang anak namin ni Anthony habang dalawa naman ang sa tunay niyang asawa. Maligaya kami, lalo na nang magpasya siyang tuluyang buuin ang aming pamilya.
Alam ko po na mali, dahil inagawan ko ng ama ang kanyang mga anak. Ang sabi naman po ni Anthony ay hindi niya mahal ang kanyang napangasawa. Dahil mga magulang niya lang ang may gustong pakasalan niya ang napangasawa dahil sa seguridad para sa kanya. Mayaman po ang pamilya ng babae.
Pero isang pangyayari ang pumutol sa lahat nang namagitan sa amin ni Anthony. Ito po ay nang mapilitan akong ibalik siya sa kanyang tunay na pamilya para maipagpatuloy ang pagpapagamot niya. Dinapuan po kasi siya ng cancer at ang lahat ng naipon namin sa pagtatrabaho ay naubos na. Umayon po dito ang tunay na asawa ni Anthony sa kondisyong aalis kami sa inuupahang apartment at hindi magpapakita pang muli.
Sa obitwaryo ko na lang po nalaman na pumanaw na ang lalaking mahal ko, dalawang taon mula nang magkahiwalay kami. Napakasakit po palang maging kabit. Kinailangan ko pa magbalat-kayo at sumabay sa maraming tao sa kanyang burol para lang makita siya sa huling pagkakataon.
Sana napatawad na ako ni Anthony sa aking ginawa. Alam kong naunawaan niya ako dahil ang kapakanan niya ang iniisip ko.
Maraming salamat po at sana, maging magandang aral ito sa inyong mambabasa.
Gumagalang,
Celine
Dear Celine,
Naniniwala akong tapat ang pag-ibig mo para kay Anthony pero hindi maitatama ng pagmamahal mong ito ang sitwasyon ninyo. Pamilyado ang ama ng iyong anak.
Gayunman, naniniwala akong natutunan mo na ang leksiyon sa bahaging iyon ng iyong buhay. At sana hindi mo na uli payagan ang sarili na maging kabit at maging dahilan para mawalan ang tunay na nagmamay-ari.
Sana’y magpatuloy ka sa pamumuhay ng matuwid para sumainyong mag-ina ang maligaya at komportableng buhay.
Dr. Love