Dear Dr. Love,
Una sa lahat, binabati kita ng isang magandang araw. Tawagin mo na lang akong Lorrie, 21-anyos.
Marahil ay ituturing mong kakaiba ang aking kasaysayang ilalahad. Isa akong rape victim. Nangyari ang panghahalay sa akin apat na buwan na ang nakararaan.
Ang bumiktima sa akin ay kaibigang matalik ng aking kuya na pinagkatiwalaan ko nang yayain akong magtungo sa isang resort sa Laguna. Nagtiwala ako sa kanya dahil matagal ko na siyang kakilala at kuya ang turing ko sa kanya.
Hindi ko akalain na sa loob ng cottage ay nagawa niya akong halayin at dahil sa kahinaan ko, hindi ako nakatanggi at ipinaubaya ko ang aking sarili.
Nagalit ang aking pamilya pati na ang kuya ko at ipinasyang magdemanda. Pero ako na ang pumigil dahil ayaw kung malantad ang nakahihiya kong karanasan.
Pero sa totoo lang, nahulog ang loob ko sa lalaking nan-rape sa akin. Matapos niya akong galawin at nang umiiyak ako ay sinabi niyang handa niyang panagutan ang ginawa niya sa akin.
Tingin ko naman ay seryoso siya sa sinabi niya. Tama bang umibig ako sa lalaking lumapastangan sa akin?
Lorrie
Dear Lorrie,
Ang panre-rape ng lalaking iyan sa iyo ay palatandaan na ikaw ay isa lang sex object para sa kanya. Siguro sinabi lang niyang handa ka niyang pakasalan dahil umiiwas siyang mademanda.
Tungkol naman sa nararamdaman mo sa kanya, pakasuriin mo ang sarili mo at baka nadala ka lang ng matamis niyang salita.
Ang rape, saan mang anggulo tingnan ay isang karumaldumal na krimen. Katunayan, walang piyansa sa mga taong isinasakdal sa ganyang asunto.
Bago mo sabihing umiibig ka sa kanya, pakasuriin mo ang situwasyon. Dapat ay managot sa batas ang sino mang nagkasala lalo pa’t ganyan kabigat.
Dr. Love