Kung saan liligaya

Dear Dr. Love,

Isa po akong ina ng tahanan na maligaya sa piling ng aking asawa sa loob ng 40 taon. Dalangin ko po na ganito rin ang sapitin ng tatlo kong anak sa kanilang makakasama habang buhay. May kani-kaniya na po silang pamilya.

Pero isang reyalidad ang ipinamulat sa amin ng pagkakataon. Dahil sa loob ng sampung taong pagsasama ay nagdiborsiyo ang anak ko na nagtapos ng nursing at ang Fil-Am na doktor na napangasawa niya. Dahil mahilig sa chicks ang lalaki. Gusto sana naming mag-asawa na payuhan ang aming anak na bigyan pa ng pagkakataon. Pero nagpaulit-ulit lang ang mga nangyayari.

Wala pang isang taon matapos ang diborsiyo ay may boyfriend na ang aking anak. Malaki ang agwat ng edad nila at diborsiyado rin. Nag-live in sila. Labag ito sa kalooban naming mag-asawa. Ikinabigla pa namin ang pagbabakasyon nila sa bahay dahil may balak na palang magpakasal ang dalawa.

Dr. Love, iba na talaga ang panahon ngayon. Kahit pa produkto ng relihiyosong pamilya ay walang magawa kung nakataya na ay kaligayahan at sariling disposisyon ng anak, na yumakap na sa ibang pagkamamamayan sa lugar na kanyang tinitirahan at pinagtatrabahuhan.

Maraming salamat at ang pagliham kong ito ay nakapagpagaan ng aking kalooban.

Ang inyong tagahanga,

Aling Doring

Dear Aling Doring,

Huwag na ninyong masyadong problemahin ang pakikipaghiwalay at pag-aasawang muli ng inyong anak. Ang mahalaga, noong panahong saklaw pa ng inyong disposisyon ang inyong anak, nagampanan na ninyo ang tungkulin ninyong mag-asawa sa kanya.

Pero hindi hawak ng mga magulang ang disposisyon ng isang anak sa aspeto ng pagpapatakbo ng sarili niyang buhay at pamilya, sa sandaling dumating na siya sa tamang edad. Ang tanging magagawa na lang ng mga magulang ay magbigay ng magagandang payo at aral sa buhay.

Ipanalangin na lang nating natagpuan na niya  ang lalaking makakasama niya sa buhay sa mahabang panahon.

Dr. Love

 

Show comments