Dear Dr. Love,
Isang masayang pagbati. Kabilang ako sa maraming sumusubaybay ng iyong column at tulad ng iba, gusto kong hingin ang iyong payo tungkol sa problema ko.
Tawagin mo na lang akong Margot, dalagang ina. Sa edad na 17 ay biktima ako ng rape at nagbunga ang masamang ginawa sa akin ng lalaking hindi ko nakilala.
Ngayon ay 22 anyos na ako at ang 4 na taong anak kong babae ay ipinakikilala ko bilang pamangkin.
May manliligaw ako. Sa dinami-dami ng nanliligaw sa akin ay siya ang napupusuan ko. Pero natatakot ako kung malalaman niya ang totoo na isa akong dalagang ina. Dapat ba akong magtapat sa kanya?
Margot
Dear Margot,
In fairness sa manliligaw mo, karapatan niyang malaman ang totoo. Kung mahal ka niya, hindi niya titingnan ang madilim mong kahapon lalo pa’t hindi mo kagustuhan ang nangyari.
Masusubukan mo rin ang katapatan ng manliligaw mo kung magiging tapat ka sa kanya. Ang tunay na umiibig ay hindi tumatanaw sa nagdaan.
Dr. Love