Dear Dr. Love,
Naguguluhan po ang aking kalooban ngayon dito sa bilangguan. Ito ay matapos kong malaman sa iba ang tungkol sa pagkamatay ng aking ama. Pakiramdam ko ay tinakwil na ako ng aking pamilya.
Mula nang makulong, tinanggap ko na po ang katotohanan na hindi ako madadalaw ng aking pamilya dahil malayo sila sa akin at mahirap ang buhay namin para makapag-provide sila ng pamasahe at makapunta dito sa piitan.
Kaya sa kabila ng kalungkutan ay nagsikap po ako na mamuhay ng positibo dito sa loob. Nag-aral po ako dahil grade 5 lang ang inabot ko sa labas. Aktibo rin po ako sa mga gawaing pang-ispirituwal, sumali po ako sa choir.
Pero nawala po ang kapanatagan sa akin nang malaman ang tungkol sa nangyari sa aking ama. Pumanaw siya noon pang Agosto 13, 2011. Hindi ito sinabi sa akin ng aking ina at sinumang miyembro ng pamilya. Naging dahilan ito ng aking pag-iisip.
Iyak po ako nang iyak. Parang hindi ko matanggap ang masakit na katotohanang hindi na nila ako ibinibilang na miyembro ng pamilya. Hindi na ako maka-concentrate sa pag-aaral dahil sa problemang ito. Gusto ko nang huminto ng pag-aaral.
Naguguluhan po ako. Hindi ko alam ang aking gagawin kaya po ako sumulat sa inyo. Payuhan mo po ako. At sana rin sa pamamagitan ng inyong column, nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat. Ako po ay 25 taong gulang at isinilang ako noong October 16, 1986.
Maraming maraming salamat po at hangad ko ang patuloy ninyong tagumpay.
Gumagalang,
Emmanuel C. Rangel
Student Dorm Cell 231
Medium Security Compound
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Emmanuel,
Huwag kang padala sa negatibong emosyon. Hindi mo pa naman ganap na nalalaman kung ano ang nangyari kaugnay sa sinapit ng iyong ama. At kung bakit hindi ito naparating sa iyo ng pamilya mo.
Maraming posibilidad, bukod sa kawalan ng pinansiyal na kapasidad marahil isa sa maaaring dahilan ng iyong pamilya ay ayaw nilang makadagdag sa bigat na pinagdaraanan mo ang nangyari. Posible rin na pinaplano na nila ang tungkol dito pero hindi nila alam kung paano.
Ipagpatuloy mo ang pagpapaunlad sa sarili diyan sa loob at paghandaan mo ang inaasam na kalayaan nang may bago at tuwid na prinsipyo sa buhay. Pagyamanin mo ang sarili sa buhay-ispirituwal dahil malaking tulong ang magagawa nito sa buhay mo.
Isama mo lagi sa panalangin ang iyong mga mahal sa buhay at supilin mo ang pag-iisip na itinatakwil ka nila sa pamilya. God bless you!
Dr. Love