Muling bigo sa pag-ibig

Dear Dr. Love,

 

Sumulat na po ako sa inyo dati kaugnay sa naging kabiguan ko sa nobyang si Beverly. Ang payo n’yo po ang nagturo sa akin kung paano tatanggapin ang lahat at makapag-move on sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon. Kasama ng pag-asa na may inilaan Siya para sa akin.

Dumating ang isang pag-ibig sa akin sa katauhan ni Lhyn. Naging ka-textmate ko siya hanggang sa malimit na siyang bumisita sa akin. Naging masaya kami.  Pero ang magandang samahan namin ay nagbago nang minsang tumawag siya na galit na galit. Hindi na raw ako nakikipag-usap sa kanya at may nagsabi raw sa kanya na may ibang dumadalaw na sa akin. 

Nagpaliwanag ako na naging mahigpit na sa amin ang paggamit ng cell phone dahil nga ang mga kasamahan ko dito ay nagsisiraan at nag-aaway. Hindi siya naniwala sa akin at nang kamustahin ko siya ay ipinasabog niya sa akin ang pakikipaghiwalay niya.

Ayaw na raw niya ang nangyayari dahil nahahati pa ang kanyang suweldo na dapat sana’y naibibigay niya ng buo sa kanyang magulang pero dahil natutulungan niya ako, nagkukulang ang sustento niya sa ina. Napakababaw na dahilan pero masakit para sa aking pandinig. Tinanggap ko uli ang kabiguan dahil wala naman akong magagawa at nakapiit nga ako.

Ang tanong ko lang Dr. Love, bakit po tuwing nagmamahal ako ang nagiging dahilan ng pagtalikod nila ay ang hirap ng buhay ko dito sa loob. Wala na ba akong karapatang lumigaya?

Malapit na po akong lumaya at bago iyon maganap, nais ko po magkaroon ng kaibigan uli para maging inspirasyon sa pagpapanibagong buhay sa malayang lipunan.

Maraming salamat po at more power.

Gumagalang,

Manolo Marinas

Student Dorm

YRC High School

MSC Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Manolo,

Habang may buhay, may pag-asa, ‘yan ang lagi mong tatandaan. Bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang pagsubok na pinagdaraanan. Isipin mo na ang mga nagdaang pag-ibig ay hindi talaga para sa iyo. Magpatuloy ka sa pagpapakabuti at huwag iwawaglit ang pagdalangin sa Maykapal.

Gaya ng pakiusap mo ay inilathala ko ang address mo, nawa’y makahanap ka ng kaibigang magiging inspirasyon sa ganap mong pagbabagong buhay.

Dalangin ko rin na huwag mawaglit sa isip mo ang leksiyon ng mga naging karanasan mo diyan sa bilangguan. Matagpuan mo sana ang kaligayahan sa iyong buhay. God bless you!

DR. LOVE  

Show comments