'Love child'

Dear Dr. Love,

Nais ko pong itago ninyo ako sa pangalang Gilbert­. Ako po ay 16 taong gulang at kasaluku­yang nasa huling baitang ng mataas na paara­lang pribado. Nakatira ako ngayon sa panga­ngalaga ng aking grandparents at ang aking ina ay kasalukuyang nasa abroad bilang isang medical doctor. Inaantabayanan ko na lang ang appro­val ng aking petition para ganap na magkasama na kami ng aking mommy.

Lumaki akong walang daddy. Sa kabila nito, hindi naman naging abnormal ang aking buhay dahil ang tumayong gabay ko sa paglaki ay ang aking lolo at isang uncle na kapatid ng aking ina. Naroon din ang aking lola na umaalalay sa aking­ pag-aaral lalo na nang maging busy ang aking mommy sa kanyang pagdodoktor.

Hindi po nila inilihim na ako ay isang “love child.” Nasa 18 anyos ang aking mommy nang ma-in love sa pamilyado pa lang lalaki. Hindi ko kilala ang aking ama at sabi ni mommy, sa tamang­ panahon ay sasabihin niya raw sa akin kung sino ang daddy ko at bahala raw ako kung nanaisin kong magpakilala sa kanya.

Bagaman pinalaki ako ng aking ina at pamilya niya na isang independenteng bata, dumarating din sa akin ang pagkakataong mangulila sa pagmamahal ng isang ama. Normal lang po ba ito? Gusto ko pong tuklasin kung sino siya. Payuhan po ninyo ako. Ayaw ko pong magulo ang isip ng mommy­ ko kung ipapaalam ko sa kanya ang aking­ balak na adventure para hanapin ang aking­ biological father. Tama lang po ba ang gagawin ko?

Maraming salamat po sa pagbibigay pansin ninyo sa liham kong ito.

Gumagalang,

Gilbert

 

Dear Gilbert,

Hindi talaga maiaalis sa isang anak na tuklasin ang kanyang pinagmulan at makilala ang kanyang ama. Pero bilang isang mabuting anak, na alam ko namang isang magandang kata­ ngian mo, sundin mo ang iyong ina. Hin­tayin mo ang tamang panahon, natitiyak ko na may maganda siyang dahilan tungkol dito.

Sa sandaling mainip ka, isipin mo lang kung gaano ang paghihirap ng iyong mommy para balikatin ng solo ang pagtataguyod sa iyo. Kaya sikapin mo na matumbasan ito ng pagpapa­halaga sa kanya at pagsiguro na maalagaan ang kanyang kalooban.

Dr. Love

Show comments